INAPRUBAHAN na ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na imbestigahan si Ambassador to Brazil Marichu Mauro dahil umano sa pagmaltrato sa miyembro ng kanyang household service staff o kasambahay.
Dahil dito, malaya na si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. sa pagsagawa ng pagsisiyasat sa babaing Ambassador na batay sa mga video na kuha ng CCTV sa Brazil, ay nagmalupit sa kanyang 51-anyos na kasambahay. Hindi kasi puwedeng mag-imbestiga ang DFA kung walang pahintulot ang Pangulo.
Ayon kay Locsin, pinauwi na ng DFA si Mauro sa Pilipinas upang imbestigahan nang husto. Sinabi naman ni presidential Harry Roque na pina-recall ni PRRD si Mauro para makausap nang personal tungkol sa isyu ng pagmamaltrato.
Batay sa closed-circuit television camera na isinahimpapawid ng local news firm sa Brazil, nakita ang pananakit, pananampal, pamimingot at iba pa ni Mauro sa kanyang kasambahay. Maging ang mga senador at kongresista ay nagalit sa kanilang napanood sa video at humiling ng imbestigasyon.
Kung paniniwalaan ang survey ng Social Weather Stations (SWSS), tanging 23 porsiyento ang naniniwala sa accuracy o katumpakan ng mga report ng gobyerno tungkol sa bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas.
Sa survey na ginawa noong Setyembre 17-20 na ni-release lang noong Huwebes, lumilitaw na 23% ng respondents ang naniniwala na ang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 na inilabas ng pamahalaan “ay maaaring tama.”
May 39 sa 1,249 adult Filipinos na tinanong ay nagsabing ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa ay “over-reported” o labis kaysa tunay na bilang samantalang 31% ang nagsabing ito ay “under-reported” o kulang sa tunay na bilang.
Well, sa naniniwala kayo o hindi sa mga survey, isang katotohanan na patuloy ang pagdami ng mga Pilipino na tinatamaan ng coronavirus. Dahil dito, higit na kailangang sundin ang simple at madaling patakaran sa kalusugan: “Laging maghugas ng kamay, magsuot ng face mask/shield, maglaan ng sapat na agwat, umiwas sa maraming tao o pagtitipon.”
Noong Biyernes, inilathala ng mga pahayagan ang listahan ng SALN ng mga senador at doon ay tumambad sa publiko na ang pinakamayaman ay si Sen. Cynthia Villar samantalang ang pinakamahirap ay si Sen. Leila de Lima na hanggang ngayon ay nakakulong sa Camp Crame dahil umano sa kasong illegal drug trade.
Si Villar, ayon sa report, ay may networth na P3.814 bilyon at si Sen. Manny Pacquiao ay may P3.172 bilyon. Si De Lima na hanggang ngayon ay “nagdurusa” sa kanyang selda sa Camp Crame ay mayroong P8.323 milyon. May mga nagtatanong: “Magkano naman kaya ang angking yaman ng ating Pangulo? Kelan niya ilalabas ang kanyang SALN?”
-Bert de Guzman