IPINAGPALIBAN ng Philippine Basketball Association (PBA), bilang pagsunod sa direktiba ng Inter-Agency Task Force (IATF), ang isinasagawang ‘bubble’ sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.
Ayon sa PBA, sinusunod nila ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force For Infectious Disease (IATF-EID) Technical Working Group at ng Department of Health (DOH) Advisory Group of Experts upang matiyak ang integridad at kaligtasan ng mga sangkot sa naturang ‘bubble’.
Magpapatuloy lamang ang mga laro kapag nailabas na ang mga bagong protocols na ipinanukala ng IATF at DOH.
Sinuspinde na rin kahit ang mga team practices at ang tanging pinapahintulutan na lamang ay ang mga sports activities na gaya ng swimming, gym, billiards, jogging at walking.
Kaugnay nito, hindi na nilaro ang nakatakdang double-header nitong Biyernes na kinatatampukan ng tapatan ng defending, five-time Philippine Cup champions San Miguel Beer at ng Barangay Ginebra at ang salpukan ng Magnolia Hotshots at NorthPort Batang Pier.
Nauna rito, tatlong laro na ang kinansela ng liga na kinabibilangan ng dalawang laban ng Blackwater Elite na mayroong player at referee na nagpositibo sa inisyal na test bago lumabas na negatibo sa isinagawang mga re-tests.
-Marivic Awitan