Ngayon ay All Saints Day, Nobyembre 1.
Isang itong pagdiriwang ng mga Kristiyano bilang pagpupugay sa lahat ng mga santo. Isang kaganapan na pinagsasaluhan ng lahat ng Kristiyanong simbahan—ang Roman Catholic at Eastern Orthodox Churches, Lutheran Churches, ang Anglican Communion, ang Methodist Church, ang Philippine Independent Church at iba pang Protestant Churches sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Kasama ng All Souls Day bukas, Nobyembre 2, ginugunita ito sa Pilipinas bilang Undas. Sa araw na ito at sa mga susunod pang araw, binibisita ng mga Pilipino ang puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay, nag-aalay ng bulaklak, nagtitirik ng kandila, at nagdarasal. Isa ito sa dalawang okasyon sa taon—ang isa ay ang Biyernes Santo—kung kailan nag-uuwian ang mga Pilipinong naninirahan sa siyudad sa kani-kanilang pinagmulang probinsiya upang magbigay-pugay sa kanilang mga ninuno sa mga lumang sementeryo.
Kaya naman lahat ng sementeryo sa bansa ay napupuno ng mga tao tuwing Undas. Ngunit hindi ngayong taon. Ngayon, dahil sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, sarado ang mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4 upang maiwasan ang kalimitang pagdagsa ng mga tao.
Mula Marso, sumailalim ang Metro Manila at iba buong Luzon, gayundin ang ilang bahagi ng bansa sa lockdown na may iba’t ibang lebel ng restriksyon. Ngayon, makalipas ang pito at kalahating buwan, nananatiling nasa ilalim ng General Community Quarantine ang Metro Manila at anumang lugar sa bansa. Pinalawig ito hanggang sa katapusan ng Nobyembre. At maaari pang pahabaing muli hanggang Disyembre.
Sa buong mundo, patuloy na kumakalat ang pandemya, kung saan karamihan ng mga bansa sa Europe at United States ay nagdurusa ngayon sa ikalawang bugso ng bagong mga impeksyon. Hindi tayo nagdurusa nang kasing tindi ng maraming ibang bansa, salamat sa maagang pagpapatupad ng restriksyon sa mga pagtitipon. Ngunit patuloy tayong nagtatala ng mga bagong kaso sa maraming bayan at siyudad kung saan hindi mahigpit na naipatutupad ang mga restriksyon.
At ngayon ginugunita natin ang Undas nang wala ang tradisyunal na pagbisita sa mga sementeryo. Gugunitain natin ito sa ating mga tahanan at sa ating mga puso ngayong taon.
Para sa mga nais ituloy ang lumang tradisyon ng pamilya, makapagtitirik sila ng kandila sa puntod ng kanilang namayapa matapos ang ban sa sementeryo sa Nobyembre 4.