Sinuspindi ni Ombudsman Samuel Martirez ng anim na buwan ang walong senior officials ng PhilHealth na nahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo. Aniya, batay sa rekord, may sapat na ebidensiya para sila isailalim sa preventive suspension. Nag-ugat ang mga kaso kaugnay ng umano ay irregular na pagpapalabas ng P2.7 billion mula sa interim reimbursement mechanism (IRM) ng PhilHealth. Ayon sa tanggapan ng PhilHealth, ang pondo ng IRM na nakalaan para sa COVID-19 ay ibinayad sa mga health care institutions na karamihan ay hindi naman gumagamot ng mga pasyenteng may karamdaman ng COVID-19.
Nauna rito, ang anomalya sa PhilHealth ay inembestigahan ng Senado at Kamara. Sa kanilang mahabang report bunga ng kanilang hiwalay na imbestigasyon, pinakakasuhan din si Health Sec. Francisco Duque. Ang problema, bago pa lang simulan ang kanilang imbestigasyon at kahit sa kasagsagan nito, hayagang sinabi ng Pangulo na malaki ang kanyang tiwala kay Duque na hindi ito sangkot sa anomalya. Hanggang ngayon, walang kasong isinampa sa tanggapan ni Martires laban kay Sec. Duque.
Nagsimula nang magimbestiga ng mga anomalya sa gobyerno ang Department of Justice. Kaugnay ito sa utos ng Pangulo dahil, aniya, laganap na ang korupsyon sa gobyerno. Uunahin ng DOJ sa mga iimbeistigahan ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Ang problema ng imbestigasyong ito sa DPWH ay tulad din ng problema sa PhilHealth, na kung nilinis na ng Pangulo ang pangalan ni Duque, ganito rin ang kanyang ginawa kay Sec. Mark Villar ng DPWH. Aniya, mayaman ito at hindi isasangkot ang kanyang sarili sa korupsyon.
Walang patutunguhan ang mga imbestigasyong ito sa nalalabing panahon ng termino ng Pangulo. Kahit magbunga ang mga gagawin ng DOJ na siyang mamuno ng inter-agency against corruption, sa Office of the Ombudsman nito isasampa ang kaso. Walang kredibilidad si Martires na magsagawa ng patas na imbestigasyon. Unang-una, nakuha niya ang pwesto nang katigan ang Pangulo sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Lourdes Sereno. Ikalawa, hindi siya naniniwala sa mga batas na kaya naging batas, tulad ng pagsusumite ng Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ay upang masawata ang korupsyon. Kaya, ngayon itinatago niya sa publiko ang kanyang SALNdahil napakahirap nga naman niyang ipaliwanag na sa loob lang ng anim na buwan ng kanyang panunungkulan bilang Ombudsman, lumobo ng P15 million ang halaga ng kanyang ari-arian. Ipinatigil niya ang lifestyle check sa kanyang tanggapan na nakatutulong para malaman kung sa uri ng pamumuhay ng isang opisyal ng gobyerno ay labis na masustentuhan ng kanyang kinikita sa gobyerno.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hihingin niya ang permiso ng Pangulo na ihayag ang kanyang SALN. Paano kung ayaw ihayag ito ni Martires. Itong mga imbestigasyon na iniutos ng Pangulo hinggil sa anomalya sa gobyerno ay hindi kapanipaniwala kahit 91 porsyento ang kanyang approval rating, ayon sa Pulse Asia survey.
-Ric Valmonte