MALAKI ang hinala ko na ang biglang pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila na dati namang ‘di lumulubog sa tubig, ay ang pagkawala sa mapa ng ilang malalaking creek o sapa, nang magka-land title ang ilang bahagi nito sa loob ng mga ekslusibong subdibisyon.
Napansin ko ito nitong walang patid ang pag-ulan, at nang mag-post sa social media ang ilang friends ko ng mga litrato ng binahang lugar sa loob pa mismo ng kanilang subdivision.
Nagulat ako sa litrato nang mga binaha – lalo ‘yung mga kuha sa malalaking subdivision sa Parañaque City at Las Piñas City – na alam kong ‘di naman mga bahain, dahil araw-araw ko itong iniikutan bilang bahagi ng area of responsibility (AOR) ng Southern Police District (SPD), na aking beat coverage bilang isang police reporter noong dekada ‘80.
Ang duda ko, ang dahilan nang pagbaha sa mga ekslusibong subdibisyon na ito sa timog na bahagi ng Metro Manila, ay gaya rin sa kasalukuyang problema ng iba pang mga siyudad, lalo na sa Maynila, Caloocan at Quezon City – ang pagkawala ng mga naglalakihang kanal at estero rito. Natayuan kasi ang mga ito ng mga gusali at ibang pang istraktura na bumara sa daluyan ng tubig.
‘Di sumala ang hinala kong ito, nang makahuntahan ko ang kapwa ko engineer, si SELWYN LAO – professional practitioner sa larangan ng GEODETICS – na umaming naging biktima siya ng isang dating sikat na land developer na ngayon ay leader ng isang religious group.
Ang lote kasing may sukat na 2,604 metro kuwadrado, na nabili niya sa loob ng Multinational Village sa Paranaque, ay may kasama palang bahagi ng creek sa lugar sa land title na hawak niya. ‘Di siya nag-iisa, marami pala silang naging biktima, na nanahimik na lang dahil nakatayo na ang mga bahay nila.
Tingnan mo nga naman – Geodetic Engineer na, napalusutan pa ng mga ganid na land developer!
Eh paano naman kaya ‘yung mga kalapit lugar na umaasa sa malaking creek – para hindi bahain ang lugar nila -- bilang daluyan ng tubig pag malakas ang buhos ng ulan?
Nang asikasuhin ni Engineer Lao ang lote, may problema ulit – isang malaking land developer ang umaangkin sa malaking bahagi ng kanyang lote, kasama ‘yung natabunang creek. Tumagal tuloy na nakatiwangwang ang lote habang inaayos ang gusot.
Isa pang problema ni Engineer Yao – dahil nakatiwangwang ang lote, unti-unti itong inuukupa ng mga “illegal settlers”, na sa bandang huli ay kinakailangan pa niyang gumastos ng milyones para lamang “mapakiusapan” na mai-relocate ang mga ito. Kaso, wala ring nangyari kahit gumastos na siya.
Palagi kasing natataon sa eleksyon ang paglalakad niya para maayos ang gusot, kaya walang naumpisahang relocation. Palagay ko may nanghihinayang sa boto ng mga iskuwater kaya’t palagi na lang naliliban ang relocation!
Saan naman kaya napunta ang pondong inilaan dito ni Engineer para sa relocation? Palagi naman kasing advance na ibinibigay niya sa mga local officials, na tumatrabaho rito, ang pondo kapag sinabihan siya na uumpisahan na ang relocation.
Naniniwala ako na ang “ingenuity” ng malalaking land developer na ito ang sanhi ng mga pagbaha sa buong Metro Manila. Binangga ito noon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ilalim ng pamumuno ni chairman Bayani Fernando.
Maraming nawawala at nabarahang mga estero sa Kalakhang Maynila ang nadiskubre at napalitaw ni Chairman Fernando. Kaya lang, nang mawala na siya sa puwesto – ‘yung iba balik sa dating gawi at ‘karamihan sa mga istraktura na dapat mag-iba, ‘di na ginalaw ng mga sumunod na namahala. Asa pa ba tayo?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.