MAY bago nang Cardinal ang Pilipinas. Siya ay si Capiz Archbishop Jose Advincula na hinirang ni Pope Francis sa kanyang Sunday Angelus sa Vatican noong Linggo.
Bukod kay Cardinal Luis Antonio Tagle, ang Pilipinas ay mayroon na ngayong ikalawang aktibong Cardinal sa katauhan ni Advincula.
Ayon sa CBCP News, hinirang ng Santo Papa si Advincula bilang isa sa 13 bagong cardinals-elect na itataas sa consistory sa Nobyembre 28.
Ang 68-anyos na si Advincula ang magiging ika-9 na cardinal ng bansa. Ang iba pa ay sina Tagle, Orlando Quevedo, Gaudencio Rosales, Jose Sanchez, Ricardo Vidal, Jaime Sin, Julio Rosales at Rufino Santos.
Tanging sina Rosales, Quevedo at Tagle ang mga buhay pa. Sina Rosales at Quevedo ay nagretiro bilang mga cardinal sa pagsapit ng ika-80 taong gulang. Si Tagle ang tanging Pilipino na aktibong miyembro ng papal conclave sa kasalukuyan.
Ayon sa ulat, si Advincula ay ipinanganak noong Marso 30,1952 at naging pari sa Capiz noong Abril 14,1976 bago nagserbisyo bilang obispo sa San Carlos City, Negros Occidental. Siya ay hinirang na arsobispo ng Capiz noong 2011.
Tungkol naman sa pulitika, mainit na mainit at kumukulo ang bakbakan sa Nov. 3 US presidential elections sa pagitan nina US Pres. Donald Trump at ex-Vice Pres. Joe Biden. Si Trump ang kandidato ng Republican Party samantalang si Biden ang manok ng Democratic Party.
Kung paniniwalaan ang mga poll survey sa US, malaki ang kalamangan ni Biden kay Trump. Maraming negatibong isyu laban kay Trump, partikular ang malaking bilang ng COVID-19 cases sa Amerika, na hanggang ngayon ay nananalasa sa maraming lugar ng United States.
Iba ang sistema ng halalan sa US kumpara sa Pilipinas. Sa US kahit nanalo ang kandidato o marami ang natanggap niyang popular votes, pero talo naman siya sa tinatawag na electoral college votes, wagi pa rin ang nakakuha ng boto sa electoral college. Hindi ko nga masyadong maintindihan ito.
Kung gugunitain, ganyan ang nangyari sa sagupaan nina Trump at Hillary Clinton noong 2016 election. Halos 3 milyon ang lamang ni Hillary kay Trump sa popular votes, pero nakuha naman ni Trump ang electoral college votes. Panalo si Mang Donald at talo si Aleng Hillary.
Tungkol naman sa ekonomiya at pananalapi, sinasabi sa mga ulat na labis ang paglaki o paglobo ng pangungutang ng Pinas. Sumikad ito sa P2.56 trilyon mula Enero hanggang Setyembre dahil kailangan ang pondo ng gobyerno laban sa COVID-19 pandemic.
Batay sa Bureau of Treasury (BTr) data, ang pambansang gross borrowings ng gobyerno mula Enero hanggang Setyembre ay sumirit nang halos 180 porsiyento mula sa P917.282 bilyon noong 2019. Ito ay kagagawan ng salot na patuloy na nananagasa sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas, na halos ubos na ubos na ang pondo para sa paglaban sa virus dahil wala pang bakuna na natutuklasan.
-Bert de Guzman