HABANG unti-unti nang niluluwagan ng Pilipinas ang mga restriksyon nito sa paggalaw ng tao dahil sa bumubuting tala ng COVID-19 infections at pagkamatay, karamihan naman ng mga bansa sa mundo ay nag-ulat ng tumataas na kaso nitong weekend.
Sinabi ng World Health Organization (WHO) na nararansan ng mga bansa sa northern hemisphere ang malaking pag-usbong muli ng mga kaso. Nahaharap ang kontinente ng Europe sa isang “highly concerning epidemiological situation,” ayon kay Director Andrea Ammon ng European Center for Dilsease Prevenion and Control.
Lahat ng mga bansa sa Europe, maliban aniya, sa Cyprus, Estonia, Finland, at Greece, ay nasa “serious concern” category ngayon, kung saan naitala ng Spain ng unang bansa sa Europe na umabot sa isang milyong kaso, kasunod ang France. Nitong Sabado lumampas naman sa 10,000 pagkamatay sa virus ang Germany.
Ipinatupad ang mga bagong restriksyon, kabilang ang curfew sa Rome at iba pang bahagi ng Italy. Isang full lockdown naman ang iniutos sa Wales, England, sa Ireland, at sa Poland. Habang ang Belgium ang isa sa may deadliest per-capita outbreak sa Europe.
Sa kabilang bahagi ng globo, patuloy ang nakapangangambang record ng United States bilang bansa na may pinakamaraming kaso, 8,575,177, at 224,889 pagkamatay hanggang nitong Oktubre 25, ayon sa Johns Hopkins University. Ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Europe at US sa panahong ito ay tila nagkukumpirma sa nauna nang pangamba na lumalakas ang virus sa malamig na panahon.
Wala pang bakuna ang nabuo na may apruba ng WHO. May sariling bakuna ang China at Russia na ginagamit na sa kanilang mga mamamayan, ngunit ang mga ito ay hindi pa nakatutugon sa mahigpit na pamantayan ng WHO, kabilang ang final Part 3 testing period na sumasakop ng tatlong buwan sangkot ang libu-libong mga tao bilang test group.
Sa usapin naman ng isang healing drug para sa mga nahawa na ng COVID-19, inaprubahan ng US Food and Drug Administration nitong Oktubre 22 ang Veklury (remdesivir). Makatutulong ito sa milyon-milyong pasyente na naka-confine ngayon sa mga ospital. Ngunit ang hinihintay ng mundo ay ang bakuna na makapagpoprotekta sa bilyon-bilyong populasyon mula sa pagkahawa.
Tayo rito sa Pilipinas ay nagsisimula nang luwagan ang mga restriksyon habang nakikitaan na kontrolado na ang mga kaso ng COVID-19, ngunit kailangan nating panatilihin ang tatlong simpleng hakbang ng “Mask, Hugas, Iwas.” Mas masunurin ang mga Pilipino kumpara sa mga tao sa Europe at US sa usapin ng restriksyon sa kanilang indibiduwal na kalayaan at pagkilos, marami ang patuloy na nagtitipon sa mga bansa roon nang walang face mask. Maaaring ito ang magpaliwanag sa lumulobong kaso na iniulat ng World Health Organization.