MAPAPANOOD na ng basketball fans si Calvin Abueva.
Nitong Sabado, inalis ng PBA Commissioner’s Office ang ‘indefinite suspension’ na ipinataw sa kontrobersyal Phoenix forward.
Dahil dito, makakalaro na muli si Abueva sa susunod na laro ng Phoenix laban sa NLEX ngayong linggo.
Kinausap nina PBA Commissioner Willie Marcial, deputy commissioner Eric Castro at technical officer Mauro Bengua sina Phoenix Super LPG team manager Paolo Bugia, coach Topex Robinson at Abueva noong Sabado hinggil sa mga itinakdang guidelines ng liga sa pag-aalis ng suspensiyon sa huli bukod pa sa kinakailangan nitong lumahok sa mga counseling programs.
Inihayag din ni Marcial ang mga naghihintay na parusa at multa sakaling umulit si Abueva ng kahalintulad na aksiyon niya laban sa kapwa players at sa liga.
Mistulang nabunutan ng tinik sa dibdib, nagpasalamat si Abueva at humingi ng dispensa sa kanyang pamilya, koponan, sa PBA at sa kanyang mga fans sa patuloy na pagsuporta sa kanya lalo na noong mga panahon ng kanyang suspensiyon.
Ayon kay Marcial, umaasa siyang natuto ng leksiyon si Abueva sa kanyang naging suspensiyon at inengganyo itong patuloy na magsikap at magbago para maging isang huwaran at halimbawa ng mabuting asal para sa kanyang pamilya, mga kasamahan sa PBA at sa mga PBA fans.
Nakatakda na rin ibalik ang professional license ni Abueva ng Games and Amusements Board (GAB) matapos makumpleto ang itinakdang programa sa online seminar.
-Marivic Awitan