NAKAHANDA ang House Committee on Good Government and Public Accountability na mag-imbestiga sa umano’y kurapsiyon at iregularidad sa paggamit ng pondo ng gobyerno sa ginanap na 30th Southeast Asian Games (SEA Games) na ang Pilipinas ang nag-host.
Ang pahayag ay ginawa ni Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado, chairman ng komite, bilang reaksiyon sa mga panawagan magsiyasat kung paano ginamit ang bilyun-bilyong piso sa pag-oorganisa ng biennial sports event, na pinamunuan noon ni dating Speaker Alan Peter Cayetano bilang chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc).
Nagpahayag ng duda si Clint Aranas, mataas na opisyal ng Philippine Olympic Committee, sa legalidad ng pag-tap sa Phisgoc sa SEA Games at pagtanggap ng pondo mula sa gobyerno at pribadong sektor.
“Basta mai-refer po sa committee namin, mag-hearing po kami. ‘Di po ako namimili. Basta po may mabuting maidudulot sa mga kababayan natin,” saad ni Sy-Alvarado sa isang Viber message.
Aniya, wala siyang alam na may resolusyon na inihain sa Kamara tungkol sa imbestigasyon. Sinabi naman ni Public Accounts Chairman Rep. Michael Defensor na ang isyu ay hindi saklaw ng kanyang komite.
“Phisgoc is private in nature and is not covered by the committee. Our mandate is to look into and oversight the operations of govt agencies. In this particular case, the Committee on Good Government and the Committee on Youth and Sports should be the designated committees,” sabi ng kongresista.
Samantala, sinabi ni Speaker Lord Allan Velasco sa isang TV interview na bukas siya sa pagkakaroon ng imbestigasyon kapag may naghain ng resolution tungkol dito.
-Bert de Guzman