ISANG manlalaro ng Blackwater ang pinaghihinalaang positibo sa COVID-19 virus habang naglalaro sa ginaganap na PBA bubble sa Clark.
Ang nasabing manlalaro na hindi pinangalanan ay kaagad na ipinadala sa Athletes Village sa New Clark City sa Capas,Tarlac upang ma-isolate, ayon Deputy Chief Implementer of the National Task Force COVID-19 at presidente ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) Sec. Vince Dizon.
Ang nasabing player ay muling sasailalim sa test habang magsasagawa ng pagsusuri sa iba ba higit yaong mga players at personnel na nagkaroon ng close contact dito.
Samantala, ang isang PBA referee na naunang na-test na positibo ay nag negatibo na sa virus kasunod ng isinagawa ditong confirmatory test.Gayunman ay mananatili pa rin ito sa 10-day quarantine gaya ng ipinatutupad ng Department of Health.
Matatandaan na nalagay sa kontrobersya ang Blackwater nang magsagawa ito ng team scrimmage hindi pa man naipalalabas ang rekomendasyon ng IATF para sa pagbabalik ensayo ng pro basketball.
Kaugnay ng balitang ito, ang laban ng Blackwater kontra NLEX kahapon ng 4:00 ay ipinagpaliban at ililipat na lamang ng petsa ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial dahil kailangan ding ma-isolate ang buong koponan ng Elite.
Hindi na rin lalaruin ang nakatakdang laban ng TNT Tropang Giga kontra Northport ngaying gabi dahil kinakailangan ding ilagay sa isolation ang buong team dahil sila ang nakatunggali ng Elite noong Huwebes gayundin lahat ng tumakbong mga referees.
Samantala, siniguro naman ng PBA na istrikto nilang ipinatutupad at sinusunod ang mga health protocols sa loob ng Clark bubble.
-Marivic Awitan