SINASABING nasa 92 porsiyento ng mga Pilipino ang Kristiyano at karamihan sa kanila—81 porsiyento—ay Roman Catholic, isang legasiya ng 350 taong kolonyal na pamumuno ng Spain sa bansa.
Malalim ang naging impluwensiya ng mga Amerikano na dumating noong 1898 sa ibang mga bagay sa buhay ng bansa—sa pamahalaan at politika, sa panlipunang organisasyon, sa ekonomiya, atbp.—ngunit karamihan sa mga Pilipino ay matatag na Katoliko, nagsisimba tuwing Linggo upang makinig ng Misa at nagdiriwang ng mga pista bilang pasasalamat sa iba’t ibang santo.
Nitong Miyerkules, sa isang bagong dokumentaryo, nagpahayag si Pope Francis ng suporta para sa batas na kumikilala sa sibil na pagsasama ng parehong kasarian (same-sex couples) na may legal na karapatang sumasakop sa iba’t ibang sitwasyon ng pamumuhay. Aniya, ang mga homosexual “are children of God and have a right to a family. Nobody should be thrown out or be made miserable over that. We have to have a law of civil union — they have a right to be legally protected.”
Binigyang-diin niya na ang civil union na kanyang binanggit ay kaiba sa kasal na, aniya, ay “between a man and a woman.”
Ang posisyon ni Pope Francis sa civil union ay taliwas sa isang dokumento noong 2003 na inihanda ng Vatican’s Congregation for the Doctrine of the Faith, na pinamumunuan noon ni Cardinal Joseph Ratzinger, na naging si Pope Benedict XVI. Ang opisyal na pagkilala sa mga gay, ayon sa samahan, “could devalue the institution of marriage.” Kalaunan bumaba bilang Santo Papa si Pope Benedict VI na pinalitan ni Pope Francis.
Mariin na kinokontra ng konserbatibong elemento sa Simbahan ang anumang pagkilala sa pagsasama ng magkaparehong kasarian na maaari umanong humikayat ng homosexual na gawain. Matapos ang mga ulat hinggil sa naging pagsuporta ni Pope Francis sa civil unions para sa mga gay couples, sinabi ni Sorsogon Archbishop Arturo Bastes na “[he was] really scandalized” sa naging pahayag ng Santo Papa. Sinabi naman ni Legazpi Bishop Joel Baylon na maaaring na-misinterpret ng media ang pahayag ng Santo Papa.
Sa Malacañang, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na matagal nang pabor si Pangulong Duterte sa batas na kumikilala sa sibil na pagsasama ng parehong kasarian. Sa Kongreso, may panukalang batas si Rep. Pantaleon Alvarez ng Davao del Norte ang “Civil Partnership Act” – House Bill 2264 – na hindi na umusad dahil sa matatag na oposisyon ng mga opisyal ng Simbahan.
Ikinagalak ng LGBTQ community –para sa mga lesbian, gay, bisexual, transgender, queer – ang naging pahayag ng Santo Papa at umaasa silang makatutulong ito para pumasa sa Kongreso ang isang civil union—hindi kasal—na magbibigay sa kanila ng karapatan tulad ng edukasyon para sa mga bata at pagmamana na normal na natatamasa ng mga ordinaryong pamilya.
Sa pagsuporta ng Santo Papa sa civil union, maging ang mga pinaka konserbatibo ng Katoliko sa Kongreso ay hindi na dapat pang maging basehan para sa pagtutol, ayon kay Secretary Roque.
Gayunman, hindi madaling baguhin ang pag-iisip ng mga opisyal ng Simbahan, dito o sa Roma at saan mang bahagi ng mundo. At hindi ito magiging isang madaling hakbang para sa ating mga mambabatas at mga senador na magpasa ng isang batas na nagpapababa sa konserbatibong legasiya ng Simbahan sa lipunan ng Pilipinas.