PINAGRERETIRO na pala ng kanyang cardiologist si TV5 news anchor na si Raffy Tulfo para maiwasan ang heart ailment dahil baka makaapekto sa puso niya ang pang-araw-araw na problemang idinudulog sa kanya ng viewers ng Idol In Action.
Bilang public servant o tagabigay-payo at solusyon sa mga problemang idinadaing sa kanya sa nasabing programa, hindi maiwasang mag-alala ng doktor ni Tulfo dahil sa stress na dulot na kanyang mga kliyente.
Knowing Raffy na gustong makatulong sa mga nangangailangan ng solusyon sa kanilang problema, hindi pumayag si Tulfo sa payo ng kanyang doktor na iwanan na lang basta ang kanyang trabaho.
“One of my cardiologists called me up. Kung puwede, mag-retire na raw ako,” kuwento ni Raffy sa virtual presscon ng Idol In Action.
“Stop ko raw muna itong ginagawa ko dahil napakinggan at napanood niya yung estilo ng programa ko. Sabi niya, eventually, baka tatamaan ka sa puso,” pagpapatuloy ng broadcaster.
Bukod sa mahal ni Raffy ang kanyang trabaho, hindi maikakailang kumikita nang salapi ang kanyang YouTube Channel na mayroong 16 million subscribers and counting.
“Sabi ko sa kanya (cardiologist), ‘I know, but that [being a public servant] really makes me happy. Meaning, nag-e-enjoy ako sa trabahong ito.
“So kahit na may stress, nababawasan ang time, gusto ko naman talagang gawin iyon in the first place,” kuwento pa niya.
Aminado si Raffy na naaapektuhan din siya ng mga problemang idinudulog sa kanya.
“I would be lying to you kapag sinabi ko na hindi [ako naapektuhan]. In fact, I’ve been seeing a lot of doctors about my health, and karamihan sa kanila, sa mga doktor na pinupuntahan ko, sinasabi that’s part of your stress. Now, paano ko nama-manage yung aking stress?”
“Kailangan may pagmamahal ka sa iyong trabaho kasi kapag mahal na mahal mo ang trabaho mo, kahit mahirap pa iyan, kahit gaano kakumplikado iyan, at least, nakakabawas yung stress ng job na ‘yon because you love it.”
Hindi raw kayang talikuran ni Raffy ang kanyang trabaho, na ikinumpara niya sa paglalaro ng basketball.
“Walang iniwan iyan sa pagba-basketball. Nag-e-enjoy kang mag-basketball kahit mahirap, kahit masakit.”
“Ta-tumbling-tumbling ka, and yet, sasakit ang likod mo dahil sa pagod.”
“But you’re still doing it kahit nasasaktan ka na, nababalian ka na, because nandoon na talaga sa mindset mo na ‘This is I want to do, because I’m enjoying this.”
“Hindi po ako magsasawa dahil gustong-gusto ko po yung aking ginagawa.”
Nasa bagong timeslot na ang Idol In Action, 10:30 am to 12 noon, simula nitong Lunes, Oktubre 19.
Sinabi ni Raffy na mayroon siyang iniiwasang sumbong sa kanyang programa tulad ng mga isyu sa pulitika at away sa lupa ng mga magkakamag-anak.
“Talagang walang pupuntahan iyan, magkamatayan na yung mga kamag-anak, nag-aaway sa lupa hanggang sa magkaapo-apo, hindi mo talaga mabibigyan ng solusyon iyan,” katwiran niya.
“And then, sa politics, never-never naming tatalakayin iyan—na isusumbong yung isang politician, gagamitin kami ng isang politician.”
-ADOR V. SALUTA