NGAYONG Linggo, mas marami nang mananampalataya ang makapapasok sa loob ng mga simbahan sa Metro Manila makalipas ang pitong buwan, matapos aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon ng Metro Manila Council na pahintulutan ang hanggang 30 porsiyentong kapasidad sa loob ng simbahan.
Marso nang ideklara ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) para sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon upang mahinto ang pagkalat ng COVID-19 na nagsisimula nang kumalat sa buong mundo. Iniutos sa mga tao na manatili sa kanilang mga bahay, isinara ang mga negosyo at opisina, tumigil ang trapiko, at lahat ng uri ng pagtitipon ay ipinagbawal, kabilang ang pagbisita sa simbahan.
Hudyat ng pagsisimula ng Mahal na Araw noong Abril ang Linggo ng Palaspas, isa sa tradisyon mahigpit na ginugunita sa Pilipinas, ngunit sarado ang mga simbahan. Walang Visita Iglesia, walang Siete Palabras, walang pagdiriwang sa Linggo ng Pagkabuhay. Dumaan ang Mayo nang walang selebrasyon ang maraming pista o misa ng pasasalamat sa patron sa buong bansa.
Sa Roma, sinuspinde ni Pope Francis ang kanyang public audiences sa libu-libong mananampalataya na nagtitipon sa St. Peter’s Square at nalipat muna sa telebisyon. Noon lamang Setyembre 2, muling nakipagkita ang Santo Papa sa mga mananampalataya sa San Damaso courtyard ng Vatican Apostolic Palace. “After so many months, we resume our encounters face to face – not screen to screen, face to face,” aniya. “And this is beautiful.”
May kakaibang hatid ang harapang pagpupulong sa mga mananampalataya. Hindi natin ito naranasan sa nakalipas na pitong buwan. Nagkaroon ng pagluluwag sa restriksyon para sa mga pagtitipon noong Setyembre nang payagan ang mga simbahan sa Metro Manila na tumanggap ng hanggang 10 porsiyento ng kanilang kapasidad. Maraming mananampalataya ang nais pumunta ng simbahan ngunit kailangan nilang makuntento sa pagtigil sa mga harapan ng simbahan, suot ang face mask at panatilihin ang social distancing.
Ngayon, sa wakas, maaari nang tumanggap ang mga simbahan sa Metro Manila ng hanggang 30 porsiyento ng kapasidad. Malayo pa ito sa 100 porsiyento ngunit isang malaking positibong hakbang ito para sa maraming tao na matagal nang naghahanap sa payapa at ginhawa sa simpleng pagpasok sa simbahan.
Maaaring manatili pa ang resriksyon sa mga simbahan at iba pang pagtitipon sa susunod na mga linggo, habang pagtuloy na tinututukan ng pamahalaan ang bilang ng kaso ng COVID-19 at pagkamatay sa bansa. Patuloy tayong magdarasal para sa isang milagro. Maaaring maranasan natin ito sa Pasko at muli nating makikita ang punong mga simbahan.