IPINAUUBAYA ng Malacanang sa Office of the Ombudsman (OO) ang kapasiyahan kung ilalabas nito ang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Network) ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) kaugnay ng panawagan at kahilingan ng publiko na malaman ito.
Napipintasan si Mano Digong ng mga kritiko at ng mamamayan sa pagtangging i-release ang kanyang SALN para sa 2018 at 2019 gayong nangako siya na magiging mahigpit siya sa kurapsiyon at krimen. Naniniwala ang marami na dapat ilantad ng Pangulo ang kanyang SALN para patunayan na wala siyang ginawang hokus-pokus sa angking kayamanan.
Ayon sa mga report, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa nakaraang tatlong dekada na hindi inilantad ng isang presidente sa publiko ang SALN. Sa panig ng Malacanang, susunod sila sa ano mang utos ng OO.
Nitong nakaraang buwan, nilimitahan ng OO ang access sa SALN ng mga opisyal ng gobyerno, isang desisyon na ayon sa ilang sektor ay maituturing na setback sa mga pagsisikap na maisulong ang transparency sa pamahalaan.
Ang kopya ng SALN ay maaari lang ilabas kung ang nanghihingi o requester nito ay siyang declarant o awtorisadong kinatawan ng declarant; ang request ay batay sa legal na utos ng hukuman na may kaugnayan sa nakapending na kaso; at ang request ay ginawa sa ombudsman’s field investigation office, unit o bureau na nagsasagawa ng fact-finding probe.
Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na hinahayaan nila ang OO, isang constitutional body na ang tungkulin ay magpatupad ng mga batas na may kaugnayan sa public officers, na siyang mag-release ng ano mang SALN ng kahit sinong pinuno ng gobyerno.
Tiniyak ni PRRD noong Lunes sa Philippine National Red Cross (PNRC) na babayaran ng PhilHealth ang utang nito sa ahensiya. Batay sa mga ulat, ang PhilHealth ay may utang na P30 milyon sa pagsasagawa ng mga test sa COVID-19.
Bumubula ang bibig sa galit ni Sen. Richard Gordon, puno ng PNRC dahil hindi nagbabayad ang PhilHealth. “Sasabihin ko kay Sen. Gordon, babayaran ko ito, sabi ni PRRD.” Ayon sa pangulo, ang pera ay lagi nang isang problema kahit saan, lalo na sa gobyerno ngayong may pandemic.
Samantala, batay sa tala ng Department of Health (DoH) noong Oktubre 19, ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay 359,169 na samantalang ang binawian ng buhay ay umabot sa 6,675. Ang mga gumaling ay 310,303. Posible pa raw na dumami ang tatamaan ng coronavirus kapag hindi nag-ingat ang mga Pinoy.
Napakadali at napakasimple lang naman ang tagubilin para makaiwas sa COVID-19 pandemic: Laging maghugas ng kamay, magsuot ng face mask/shield, panatilihin ang tamang agwat (physical distancing), at iwasan ang maraming tao o malaking pagtitipon. Mahirap bang sundin ito mga kababayan?
-Bert de Guzman