MATAPOS malaman ng mga netizens na natapos na ang lock-in taping ng GMA Afternoon Prime series na Prima Donnas marami nang excited na muli itong mapanood. Bitin kasi ang huling eksena bago ang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic, na hindi alam kung matutuloy ang kasal nina Kendra (Aiko Melendez) at Jaime (Wendell Ramos). Paano na raw si Lilian (Katrina Halili) na siyang mahal ni Jaime?

Sa story ay love na love ni Kendra si Jaime, kaya naman tanong ng mga netizens, sa tagal na ba nilang magkasama noon pa ay hindi sila na-in love sa isa’t isa?

“Matagal na kasi kaming magkaibigan ni Wendell, mga bata pa kami nang pumasok kami sa showbiz at iisa ang manager namin, si Tito Douglas Quijano,” sagot ni Aiko. “Magkasing-edad lamang kami kaya naging close na kami noon pa.”

“Yes, saka nang una ko pa lang pumasok sa industriya natin, ang una ko pong naging kaibigan na artistang babae, si Aiko iyon,” pahayag naman ni Wendell. “At since then, madalas kaming magkasama sa project, sabi nga namin, parang lucky charm namin ang isa’t isa.”

Pelikula

‘Lagot ka kay Bro!’ Zaijan Jaranilla, Jane Oineza nagsagpangan sa bagong pelikula

Dagdag pa ni Aiko, madalas daw na ang pinagsamahan nilang proyekto, nagtatagal ang kanilang show. “Like dito sa “Prima Donnas,” more than one year na kami, kahit nahinto kami ng taping for several months, ipinalalabas naman ang recap nito tuwing hapon, kaya tiyak na hindi malilimutan ng mga televiewers ang aming serye.”

Kaya huwag nang mainip ang mga netizens, dahil sa pagtatapos ng recap ng Prima Donnas isusunod na agad ang mga fresh episodes sa susunod na buwan, sa November.

-Nora V. Calderon