Maaari nang makapasok ng bansa ang mga dayuhan na mayroong investors visa.
Ito ay matapos payagan na ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) ang mga dayuhang investors na nagnanais makapunta sa Pilipinas at mamuhunan sa ilalim ng Resolution No. 80 kasunod ng pulong via video conference nitong Huwebes.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa Nobyembre 1 magsisimula ang pagtanggap sa mga dayuhang investors’ visa holder.
“Pinapayagan na po ang mas maraming foreign nationals simula a-una ng Nobyembre, 2020. Pero teka muna po, hindi lahat ng foreign nationals ang pupuwedeng pumasok,” sinabi ni Roque sa state television nitong Biyernes.
“Ang pupwede lang po ay mga foreign nationals na merong visa na inissue ng Bureau of Immigration pursuant to Executive Order No. 226 or the Omnibus Investment Code as amended by RA8756 yung mga investors visa na tinatawag po,” aniya.
Pinapayagan ding pumasok sa Pilipinas ang mga dayuhan na mayroong 47 (a) (2) na visa na inisyu ng Department of Justice gayundin ang mga visa na inilabas ng Aurora Pacific Economic Zone at Freeport Authority at Subic Bay Metropolitan Authority, ayon kay Roque.
Gayunman, paalala ni Roque na subject sa ilang kondisyon ang pagpasok sa bansa ng nasabing mga dayuhan gaya ng pagkakaroon dapat ng pre-booking sa accredited quarantine facility ng pamahalaan.
“The entry of these foreign nationals to the country, however, is subject to conditions, such as they must have valid and existing visa at the time of the entry and must likewise have a pre-booked accredited quarantine facility,” aniya.
Bukod pa rito ay kailangang sumunod sa ipinatutupad na maximum capacity ng inbound passengers.
-Beth Camia at Genalyn Kabiling