Ang nagtutunggali sa panguluhan ng Amerika ay sina Pangulong Donald Trump at Joe Biden. Si Trump ay tumatakbo para reeleksyon, samantalang si Biden ang siyang nagwagi sa mga convention na isinagawa ng Democratic Party para ipanlaban kay Trump. Ang partidong kinakatawan ni Trump ay ang Republican Party. Nagwagi siya laban kay Hilary Clinton, halos apat na taon ang nakaraan, kaya siya ang kasalukuyang Pangulo ng Amerika. Sa kanyang talumpati sa Philadelphia, sa kanyang kampanya para kay Biden na siyang kanyang Pangalawang Pangulo nang siya ay Pangulo, nanawagan si Barack Obama sa mga manghahalal na huwag maging kampante. Kahit, aniya, nangunguna sa poll survey si Biden, huwag silang umasa dito bagkus bumoto sila. “Maraming poll survey noong nakaraan pero hindi nagkatotoo dahil marami ang mga botanteng pinili ang nasa bahay lang. Huwag kayong maging tamad at kampante. Hindi sa halalang ito,” wika pa niya. Kasi, noong nakaraang presidential elections, nang maglaban sina Trump at Hilary Clinton, sa poll survey, lamang si Clinton. Pero, ang bulto ng kanyang boto ay nasa manghahalal na hindi bumoto. Inakusahan ni Obama si Trump na sinungaling at walang kakayanang mamuno. “Ang ating demokrasya ay hindi kikilos kung ang mga tao na namumuno sa atin ay nagsisinungaling araw-araw at gumagawa na lang kung anu-anong bagay at nagiging manhid tayo rito,” dagdag pa niya.
Ayon kay Obama, hindi ginampanan nang maayos ni Trump ang kanyang tungkulin sa paglunas sa pandemya. Binabalewala nga niya at nilalabag ang protocol tulad ng pagsuot ng face mask at physical distancing. Nang magkaroon ng pagtitipon sa White House, maraming bisita ang dumalo at lahat sila ay walang face mask at naghuhuntaan ng magkakadikit. Maging si Pangulong Trump at ang kanyang maybahay ay walang face mask at hindi sinunod ang social distancing. Kaya, hindi nagtagal dinapuan ang Pangulo ng virus at may ilang araw itong naospital. Sa panayam na ginawa kay Federal Health Officer Dr. Fauci, tinanong ito kung siya ay nasorpresa nang mahagip ng pandemya ang Pangulo. Hindi, aniya, ito ang maaasahan sa paglabag niya sa protocol na magsuot ng face mask at social distancing. Nang makalabas si Trump sa ospital at ipinagpatuloy ang kanyang pangangampanya, binatikos niya si Dr. Fauci at kanyang kapwa scientist at tinawag silang mga “idiot.”
It sounds familiar. Ganito ang paglapastangan na tinanggap at tinatanggap ng sinumang sumasalungat sa ginawa at sinasabi ni Pangulong Duterte. Ang mga biktima ay sina dating Supreme Court Chief Justice Lourdes Sereno, Sen. Leila de Lima, dating Sen. Antonio Trillanes at mga commissioner ng Commission on Human Rights, human rights lawyer at advocate. Iyong iba, tulad ng mga inilista niya na sangkot sa droga, higit pa rito ang kanilang inabot. Iyong mga opisyal na nagsabi ng ibang opinyon, sa media na lamang nila nalaman na sila ay sinibak ng Pangulo.
-Ric Valmonte