Mga Laro Ngayon
4:00 n.h. -- Terrafirma vs Northport
6:45 n.g. -- San Miguel vs Alaska
PATULOY na umangat sa pamamagitan ng pagpuntirya ng ika-4 na sunod nilang panalo ang hangad ng Alaska habang unang back-to-back win naman ang target ng San Miguel Beer sa pagtutuos nila sa tampok na laro ngayong gabi ng 2020 PBA Philippine Cup restart sa Pampanga.
Ganap na 6:45 ng gabi ang salpukan ng Aces at ng reigning titlist Beermen pagkatapos ng unang bakbakan sa pagitan ng Terrafirma at ng Northport na magsisimula ng 4:00 ng hapon.
Pagkaraang mabigo sa unang dalawa nilang laban sa loob ng bubble, tatlong sunod na panalo ang itinala ng tropa ni coach Jeff Cariaso, pinakahuli noong makaraang Huwebes nang gapiin nila, 89-88 ang dating walang talong Rain or Shine sa pamumuno ni Vic Manuel.
Sa kabilang dako, naiposte naman ng Beermen ang una nilang panalo sa loob ng bubble pagkaraan ng dalawang sunod na kabiguan nang pataubin nila ang Terrafirma Dyip noong Lunes,105-98.
Nasa solong ika-4 na puwesto hawak ang markang 3-2 ang Alaska habang nasa likuran naman nila ang San Miguel taglay ang patas na barahang 2-2.
-Marivic Awitan