Mga Laro Ngayon
(AUF Gym-Angeles City,Pampanga)
4:00 n.h. -- NLEX vs Meralco
6:45 n.g. -- Magnolia vs Phoenix
MAITALA ang unang winning run sa bubble competition ang target ng NLEX at Meralco sa kanilang pagtutuos ngayon sa pagpapatuloy ng 2020 PBA Philippine Cup restart sa Pampanga.
Maghaharap ang Road Warriors (1-3) at ang Bolts (2-2) ganap na 4:00 ng hapon sa Angeles University Foundation Gym na susundan ng sagupaan ng Magnolia (1-3) at Phoenix na kapwa naman hangad na maputol ang kinasadlakang losing skid ganap na 6:45 ng gabi.
Makaraang mabigo sa unang tatlo nilang laro, nakapasok na rin ang NLEX sa winners circle nang gapiin ang Northport Batang Pier nitong Miyerkules, 102-88 habang patuloy naman ang see-saw performance ng Bolts matapos ang apat na laro.
Panalo sila sa nakaraan nilang laban kontra Magnolia, 109-104 nitong Martes na nag-angat sa kanila sa ikatlong puwesto kung saan humanay sila sa Alaska, San Miguel, Blackwater at Phoenix.
Sa huling laro, mag-uunahan namang makaahon mula sa natamong dalawang dikit na kabiguan sa nakaraan nilang mga laban ang Magnolia Hotshots at ang Phoenix Super LPG.
Dahil dito, inaasahang dikdikan partikular sa depensa ang magiging tapatan ng dalawang koponan na parehas ayaw bumagsak sa ikatlong sunod na kabiguan partikular ang Hotshots na magpapalabo ng tsansa nilang umusad sa playoffs.
-Marivic Awitan