Lumikha ng grupo si Secretary Mark Villar para imbestigahan ang malawakang anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na kanyang pinamumunuan pagkatapos itong batikusin ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan. Hinirang niya ang 5 opisyal ng kanyang departamento para pangunahan ang Task Force Against Graft and Corruption (TAG) alinsunod, aniya, sa istriktong polisiya ng Pangulo laban sa korupsyon at mapasigla ang kakayahang gumawa ng DPWH ng mga publikong imprastraktura. Inatasan niya ang TAG na imbestigahan ang mga katiwalian ng opisyal o empleyado ng departamento base sa makatwirang reklamo.
Walang ginawa ang Pangulo kundi ang ihayag lang sa bayan ang kabulukan ng mga departamento ng kanyang gobyerno. Ginawa niya ito noong una sa Bureau of Customs, kamakailan sa PhilHealth, ngayon naman sa DPWH. Sa susunod na kanyang recorded speech, sa paglabas niyang muli sa bayan, malamang na batikusin niya ang Bureau of Immigration. Sa totoo lang, hindi na niya kailangan gawin ito dahil kusang lumalabas ang baho sa tulong ng mga whistleblower. Ang pagkakaiba ng mga ito sa Pangulo ay itinuturo at pinangangalanan nila ang mga sangkot sa anomalya kahit ang mga ito ay pinakamataas na opisyal. Samantala, bukod sa paghahayag lang ng kabulukan ng ahensiya, nililinis kaagad ang pangalan ng pinuno nito, tulad ng ginawa niya sa PhilHeatlh, kay Department of Health Secretary Francisco Duque. Ngayon naman sa DPWH, kay Sec. Villar. “Maraming pera si Sec. Villar. Hindi na kailangan itong maging corrupt. Ang problema ay nasa mababang hanay na rito malakas hanggang ngayon,” wika ng Pangulo sa hangarin niyang ipakita sa bayan na walang kinalamang o kaugnayan ang kalihim sa sinasabi niyang malawakang katiwalian sa DPWH.
Masyadong napakababa ang tingin ng Pangulo sa taumbayan. Kung tratuhin niya ang mga ito ay parang bata na napapaniwala sa kababalaghan o himala. Siya mismo ang nakakaalam kung bakit gagawa, o kaya, kahit paano, ay masasangkot si Villar sa anomalya. Hindi dahil sa maraming pera ang kalihim ay hindi na kinakailangan pang ito maging korupt. Ang kayamanan nga niya ang dahilan kung bakit magiging siya ay ganito. Kaya ko nasabi na alam ito ng Pangulo ay dahil alam niya na sumugal ito at tumaya sa kanyang kandidatura sa panguluhan. Bakit noong unang araw nang humarap siya sa bayan pagkatapos ng halalan at magwagi, naroroon ang buong pamilya ni Sec. Villar na kasama niya? Sa Davao ito naganap at dito niya inanunsiyo na si Villar ang magiging kalihim ng DPWH. Sa dalawang taong nalalabi sa termino ng Pangulo, titindi ang korupsyon sa gobyerno. Panahon itong sasamantalahin ng mga taong namunuhan sa kanyang kandidatura para makabawi. Ang magagawa niya ay pabawiin ang mga ito sa pinuhunan nila sa kaban ng bayan. Nanawagan ang Pangulo sa taumbayan na ireport ang korupsyon at nangako siya na wala siyang kaaawaan. “Hindi ko patatawarin ang korupsyon. Walang kompromiso, wala kahit ano. No quarters given, no quarters asked,” wika pa niya. Wow, FAKE NEWS.
-Ric Valmonte