DIRETSONG sinagot ng tinaguriang “Hari ng Public Service” at binansagan ding “Idol ng Masa” na si Raffy Tulfo ang mga katanungan ng entertainment press sa recent “Idol in Action virtual mediacon.”
Hindi na nagpatumpik-tumpik ang BALITA para tanungin si Raffy sa kinasangkutang kontrobersiyal ng komedyanteng si Tekla sa kanyang live-in partner na si Michelle Lhor Bana-ag na may tema diumano ng pang-aabuso at sa mga kababaihan na physical na sinaktan.
“Ito yung palagi naming sinasabi from day one pa lang. Simula pa lang noong mag-umpisa ang programa sa radyo. Sa mga kababaihan, kapag kayo inabuso huwag kayong pumayag agad-agad. Two things that you should know and you should remember. First, magpa-blotter sa barangay o sa pulis. Second, piktyuran ninyo po or ipamedical ninyo po yung inyo pong kung kayo po’y inabuso o kaya mayroon kayong pasa. Piktyuran ninyo para pag dumating yung time na talaga kayo ay magkakaso e di mayroon kayong ibidensiya. Tell it to somebody na close na mapagkakatiwalaan ninyo tungkol sa inyong experience para iyon ang maging testigo ninyo kung kinakailangan kapag nakorte na yung kaso,” payo ni Raffy.
Sa kabila ng gusot na kinakaharap ni Tekla hangad pa rin ni Raffy na magkaayos na lang sila ni Michelle. Dahil nakikinig din si Raffy sa mga opinyon ng mga netizens at may punto rin daw talaga ang mga sinasabi nila lalo na para na rin sa kanilang anak na si Baby Angelo.
Malaki rin daw ang utang na loob ni Michelle kay Tekla pati ang pamilya nito sa laki ng naitulong ng huli. Naghihintay lang daw si Raffy dahil bukas ang programa nila para sa salaysay ng side ni Tekla at sa patas na pagpapahayag.
Sa dami naman daw ng natulungan ni Raffy aminado raw siya na marami ring nagagalit sa kanya at ito ay ang mga bashers o ang mga taong hindi pumapabor sa kanilang kagustuhan kung paano talakayin o aksyonan ni Raffy ang isang case . Pero ok lang daw yun kay Raffy dahil kasama naman daw iyon sa trabaho.
Ang programa ni Raffy Tulfo na Idol in Action ay mapapanood araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes, 10:30 am., sa TV5 at sa One PH na mapapanood sa Cignal TV at SatLite CH. 01. Mapapanood din ang replays ng mga episodes sa Raffy Tulfo in Action sa YouTube. Kasama ni Raffy na nagbibigay saya at tulong sa programa na ito ang kaniyang Liga ng mga Taga-Serbisyo Publiko na sina Maricel Tulfo, Marga Arenas-Vargas, MJ Marfori at Carol Domingo.
-DANTE A. LAGANA