BALOT na ng karumihan, isang panibagong hakbang ang inilunsad kamakailan sa Kamara de Representantes, nang dalawa sa nangungunang miyembro nito, na kapwa nagpahayag ng suporta ng mayorya, ay ibinasura ang pagkakaisa para lamang sa personal nilang interes sa pagsalungat sa inaasahang tunguhin.
Nagsimula ang komosyon nang si Speaker Peter Allan Cayetano, tila walang balak na sundin ang ‘gentleman’s agreement’ nito kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, ay bigla na lamang nagsuspinde ng regular na sesyon at nagdeklara ng recess hanggang Nobyembre 16. Ilegal ang aksyon na ito sa pananaw ng mga dalubhasa sa batas, dahil ginawa ang hakbang isang linggo bago ang kapwa magkabilang Kapulungan ng Kongreso ay payagang makapag-recess sa ilalim ng Konstitusyon. Sa mapangahas na hakbang, nilabag ni Rep. Cayetano ang patakaran.
Nitong Oktubre 12, apat na araw matapos ang deklarasyon ni Cayetano, idineklarang Speaker si Rep. Velasco ng kanyang mga tagasunod sa Celebrity Sports Plaza sa kabuuang 186 na boto. Sa ilalim ng prinsipyo ng majority rule, pinamunuan ni Rep. Velasco ang Kamara sa kabila ng pagtutol ni Rep. Cayetano dahil isinagawa ito sa labas ng Kamara nang wala ang opisyal na mace.
Ang hakbang ni Velasco, tulad ng sugal ni Cayetano, ay lumabag din sa kasunduang Oktubre 14 na kapwa nilagdaan ng mambabatas isang taon na ang nakararaan. Dahil sa hindi pagsunod sa napagkasunduang petsa, ang pag-upo ni Rep. Velasco ay maikokonsiderang hindi tama. Gayunman, sa realidad ng mundo, ang ‘egalitarian’ na desisyon, ay pinamumunuan ng mayorya. Isa itong katulad na palabas na ipinipilit ng mga halal na opisyal at maging ng mga diktador upang masiguro ang patuloy na pagkapit sa kapangyarihan. Tanging sa marahas na mundo ng mga hoodlum nagwawagi ang minorya.
Kung ang palabas na ito ng dalawang mambabatas ay bahagi lamang ng politikal na propaganda, tiyak na nakinabang dito ang mga lider sa Kamara sa salik ng publicity. Iyon nga lamang, kapwa nagmukhang oportunista ang dalawa.
Sa tulong ng kapangyarihan ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagkasundo ang dalawang mambabatas nitong Oktubre 13, araw kung kailan naisalin sa ibang kamay ang pamumuno sa Kongreso. Napatunayan sa pagkakasundong ito ang matagal nang pagtingin sa Kongreso, sa kabila ng paggigiit na isang malayang kapulungan, ay nananatili sa ilalim ng impluwensiya ng Pangulo.
Ang pagbagsak ni Rep. Cayetano ay tinitingnan ng ilan bilang isang balakid lamang sa buhay ng politiko. Ngunit hindi ito ang kaso. Sa patuloy na aray ng mambabatas ng Taguig sa kanyang nabahirang ego at sakit ng pagtalsik mula sa kapangyarihan, mangangailangan ng mahaba-habang panahon bago mabura ang trauma mula sa kanyang pagkakabagsak.
Saan man dalhin si Rep. Cayetano, ang kanyang pagtangging kilalanin ang isang ‘gentleman’s agreement’ ay isang pilat na panghabambuhay. Hindi makatutulong ang kanyang mga diskurso, ang kanyang pagdausdos sa pagkalimot ay isang bagay na kailangang mahinto bago niya simulan ang planong pagbabalik sa Senado sa 2022 election.
-Johnny Dayang