NAISALPAK ni Joshua Munzon ang huling apat na puntos para sandigan ang Zamboanga City Family’s Brand Sardines sa 21-17 panalo kontra Butuan-Uling Roasters nitong Miyerkules sa Leg 1 finals ng 2020 Chooks-to-Go President’s Cup ‘bubble’ sa Inspire Sports Academy sa Laguna.

Nalamangan pa ng Butuan, 17- 14 ang Zamboanga sa nalalabing tatlong minuto ng laban, bago kumilos ang opens ni Munzon sa krusyal na sandali.

Ang 6-foot-2 Filipino-American din ang sumelyo ng kanilang panalo kontra Uling Roasters at kumumpleto ng kanilang sweep ng first leg upang makamit ang premyong P100,000.

“Again, it showed we can fight through adversity,” pahayag ni Munzon na tumapos na may 12 puntos sa first leg finals.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Nag-ambag naman ng anim na puntos si Alvin Pasaol, dalawang puntos si Troy Rike at isang puntos si Santy Santillan para sa nasabing panalo sa torneo na sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB) at International Basketball Federation (FIBA).

Kahit natalo, nagkamit pa rin ng P100,000 ang Butuan dahil sa naunang pangako ni Bounty Agro Ventures, Inc. president Ronald Mascarinas na magbibigay ng bonus sa sinumang makakatapat ng liyamadong Family’s Brand Sardines sa Finals.

Nanguna para sa Butuan si Karl Dehesa na may anim na puntos kasunod sina Chris De Chavez at Chico Laneta na may tig-4 na puntos.

Samantala, nagwagi ng ekstrang P10,000 si De Chavez matapos magwagi sa TM Two-Point Shootout. Isa namang baguhan sa katauhan ni Jesus Manay ang namayani sa TM Slam Dunk Contest upang maiuwi ang premyong P20,000.

Ang second leg ng FIBA 3x3- endorsed tournament ay sisimulan ngayon.

-Marivic Awitan