NANINIWALA ba kayo na ang halos 28,000 retiradong Chinese workers, na ang mga edad ay nasa liyebo 35 lamang, ay naririto sa bansa para maglakwatsa o ‘yung kung tawagin natin ay rest and recreation (R&R)?
Kung ang edad ng mga ito ay 60 pataas, pwede pa akong maniwala, pero liyebo 35 na ang tasa ng ulo ay ‘army cut’ pa – weh, lokohin nila ang lelong nilang panot!
Samahan n’yo akong mag-imagine – 28,000 na mga turistang Chinese na mukhang sundalo ang porma, at nakakalat sa buong bansa. Nakatira sa mga matataas na lugar (condo) na malapit sa kampo, communication tower, government offices na pang local at national. Labas-masok sila sa bansa dahil ayon sa ating polisiya, ang retirees na may edad 35 pataas ay mabibigyan ng multiple visa.
Ang isang battalion sa military ay mayroong 800 -1000 sundalo na pinaghati-hati naman sa apat hanggang anim na company (tig-200 hanggang 400 na sundalo). Bigla kong naisip, ang grupo ng RAM (Reform the Armed Force Movement) ay binubuo ng 300 sundalo lamang, subalit naumpisahan nila ang pag-aalsa – kahit kulang sa mga makabagong armament - na nagbalik ng demokrasya sa bansa sa loob lamang ng apat na araw noong 1986.
Napi-picture n’yo na ba ang nakikita ko na maaaring mangyari kapag nagkagulo tayo sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa pang-aangkin ng Chinese government sa mga isla natin dito?
Ang dahilan kung bakit nakapasok sa bansa ang mga Chinese na ito, ayon sa paliwanag sa Senado ni Bienvenido Chy, general manager ng Philippine Retirement Authority (PRA), isang ahensiya sa ilalim ng Department of Tourism (DoT): “Present PRApolicies allow the entry of retirees age 35 and up, with at least $50,000 (about P2.5 million) cash on hand.”
Ayun oh -- lumabas na naman ang “pinagkakaperahan na mga dahilan” sa bawat transaksyon sa ating pamahalaan!
Maging si Sen. Richard Gordon sobrang nabahala sa impormasyong ito: “They choose the Philippines because they can go back and forth without visa. With a retirement visa, they can have multiple visa. That is dangerous. I didn’t know that. I’m disturbed by it.”
Dagdag pa ni Gordon: “The large number of Chinese retirees raises a national security concern. Their number is equal to 27 regiments (a regiment has 2 battalions of 800 soldiers each); that’s dangerous. Why would they retire here at 35?”
Pinagsabihan ni Gordon ang PRAboard na i- review ang “current policies on allowing the entry of retiring foreigners.”
Gusto ni Gordon na magsagawa ng pagsisiyasat hinggil dito ang Senate Committee on Tourism upang amyendahan ang kasalukuyang batas at mahikayat ang mga banyagang matatandang retirees – na ang average ng edad ay mula 56 hanggang 65 years old, gaya ng sa Amerika, Japan at iba pang mga bansa.
Batay sa record na ibinigay ng PRAsa Senado, ang iba pang foreign retirees sa bansa ay 6,100 Indians, 4,850 Taiwanese, 4,000 Japanese, 3,700 Americans, 1,870 Hong Kong Chinese, 1,600 British, 800 Germans, 750 Australians at 4,500 na ibang nationalities.
Sa palagay ko, ‘yung ibang foreign retirees na ito – maliban nga lang sa mga Chinese – ay minabuti na dito na lang pumirmi sa bansa, kasama ang mapagmahal at makalinga na “asawa” nilang Pinoy. Yung iba naman ay para maghanap ng magiging “partner” rito na alam nilang ‘di sila iiwan hanggang sa kanilang pagtanda. Meron ding tumira rito at nagnegosyo sa piling ng kanilang asawang Pinoy.
Ang mga battalion namang ito ng Tsekwa, malaki ang duda ko – kung ‘di sila sundalo, siguradong trabaho sa POGO ang inaasinta ng mga ito!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.