TULOY na ang NBL Season 3 Black Arrow Express-President’s Cup finals sa pagitan ng Pampanga at La Union matapos na mag negatibo lahat ng mga players, coaches at staffs ng dalawang koponan sampu ng lahat ng mga league personnels sa isinagawang COVID-19 testing.
Magkakasunod na pumasok ang lahat ng NBL staff kasama ng mga kinatawan ng Games and Amusements Board at ang dalawang koponan sa league bubble sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga noong Lunes.
Magtutuos ang La Union at Pampanga para sa Game 1 ngayong 6:00 ng gabi at mapapanood ng live sa NBL-Pilipinas Facebook page at ng delayed basis kinabukasan sa Solar Sports.
Dahil hindi na palalaruin ang kanilang mga collegiate stars sa best-of-5 finals, kumuha ng mga papalit sa mga ito ang
Pampanga.
Kinuha nila sina Levi Hernandez at Michael Juico na dati ng naglaro sa Pampanga Giant Lantern sa MPBL
kasama sina Wilson Baltazar, Dexter Maiquez, Jerick Fabian, Allen Enriquez, at Daryl Pascual.
Sasandig naman ang La Union PAower sa kanilang dating line-up sa pamumuno ni Mitchelle Maynes, kasama sina Jonathan Ablao, Scottie Fontanilla, at Jayson Apolonio.
Hindi na palalaruin ng Delta ang kanilang leading scorer na si Encho Serrano ng La Salle at teammate nitong si Justine Baltazar, Neil Tolentino ng UE, John Lloyd Clemente ng NU, Bryan Santos ng UST at Rhanzelle Yong ng Lyceum.
Dahil isa ng professional league ang NBL, magbibigay ang GAB ng special guest license para sa mga amateur players partikular sa mga collegiate cagers.
Ngunit hindi umano ito kikilalanin ng UAAP kung kaya hindi na palalaruin ng Pampanga ang kanilang mga college players. Marivic Awitan