WALANG halong duda, nakabibilib ang mga kabataan sa ngayon, lalo na ‘yung mga ‘di pa man tumutungtong sa paaralan ay marami ng alam, at bihasa pa sa pagsasalita ng wikang English, kahit pa medyo garil lang sa paggamit ng sarili nating Wikang Filipino.
Yun namang nasa high school at college, nakagugulat din ang mga angking kaalaman sa iba’t ibang paksa – siyempre ang nasa unahan ay ang tungkol sa mga computer games – gamit ang mga makabagong gadget na mabibili na lamang ngayon sa murang halaga. Thanks but no thanks sa mga murang gadget na ito na halos lahat ay gawang China!
Ang lahat ng ito ay utang na loob ng mga magulang sa computer at cellphone application na YouTube, na sa aking palagay ay unang kinalokohan ng mga mahilig sa mga gadgets, noong una pa lamang itong pumalaot --December 15, 2005 -- sa gitna ng mabilis na pag-usad ng computer technology sa buong mundo.
Eh saan ka pa nga naman susuong sa ngayon, kapag may gusto kang malaman – kundi sa iyong gadget at hanapin ang kasagutan sa YouTube. Yun lang medyo ingat-ingat, lalo na ang mga bata, dapat gabayan sa pagsa-surf sa internet at baka kung ano na ang pinanonood ng mga ito at ibang masamang bagay ang matutuhan!
Kaya naman maraming mga batang magulang ngayon – dahil na rin sa abala sa kanilang paghahanapbuhay – ay iniaasa sa mga gadget at apps ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Ang madalas kong marinig na sagot ng ilang magulang sa pagtatanong ng mga batang estudyante, ay malutong na: “Ano ka ba, i-GOOGLE mo o mag-YouTube ka!”
Kaya naman dumarating sa punto na sobrang nalulungkot ako, kapag ang nakakausap kong mga bata ay “feeling magaling” at ramdam na ramdam mo ang kawalang interest o respeto sa mga matatanda -- mga seniors na tulad ko – dahil kadalasan ay kapansin-pansin ang kawalang interes nila, na makipagkuwentuhan man lang sa nakatatanda na kaharap nila.
Nasanay kasi ako noong aming kabataan na ang source ng halos lahat ng pangunahing kaalaman, na importante sa aming araw-araw na pamumuhay, ay mula sa payo, kuwento at pagtuturo ng mga nakatatanda sa amin.
Maipagmamalaki at paulit-ulit na maikukuwento ko rin sa mga kabataan -- kung may magsasayang ng oras nila na makinig -- sa ngayon, na ang mga alam kong pagkalikot at pagbutingting, at kung anu-ano pang nagagawa ko ng mahusay at kapaki-pakinabang, ay natutuhan kong lahat sa pakikipag-usap at kuwentuhan sa mga nakatatanda sa akin!
Wala pa kasing mga gadget at makabagong apps na gaya ng YouTube at Facebook noon, kaya ang mga matatanda ang aming tanungan hinggil sa mga bagay-bagay na gusto naming malaman – at nasasagot naman nila ang karamihan sa mga ito, batay na rin sa karanasan nila. Kasabihan nga: “Experience is the best teacher!”
Maraming kabataan noon, na tulad ko ring uhaw sa mga bagong kaalaman, na mahilig maki-umpok sa kuwentuhan ng matatanda, kaya rito nabuo ang mga katagang madalas na ibinubulyaw sa amin kapag sumisingit kami sa kanilang usapan: “Huwag sasabat ang bata sa usapan ng matatanda!”
Matigas ang ulo namin noon, makukulit sabi nga sa ngayon…Oo, makulit na makinig para matuto, mula sa karanasan ng mga nakatatanda, na naging gabay namin sa pamumuhay --- kaya nga kami ganito ngayon!
Totoo naman kasi, ang mga apps na gaya ng YouTube – walang sariling damdamin na maibabahagi sa mga kabataan. Mahal naming mga kabataan, itanim ito sa inyong isipan at damdamin: “The glory of the elderly is their insight to life.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.