MAARING  sa ibang manlalaro, ang pitong buwang break sanhi ng pandemic ay dahilan ng pangangalawang sa paglalaro, ngunit taliwas para kay TNT Tropang Giga gunner RR Pogoy.

Sa katunayan, tila nag-aapoy sa init ang panimula ng 6-foot-2 guard sa ginaganap na ‘PBA bubble’ kung saan nagposte ito ng kanyang career-best performance upang giyahan ang TNT sa pangingibabaw sa unang linggo ng 2020 Philippine Cup.

Nagtala si Pogoy ng bagong career-high na 45 puntos, tampok ang 10 three-pointer para sa 100-95 panalo ng TNT kontra Alaska sa pagbubukas ng bubble sa SMART 5G-powered Angeles University Foundation Gym.

Kasunod nito, nagtapos siya na may 11 puntos, 9 na rebounds at 2 steals sa 112-101 panalo kontra Terrafirma bago kumana ng 15-puntos at 4 na rebounds sa  kanilang 107-88 paggapi sa reigning champion San Miguel sa kabila ng iniinda nyang sprain.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kaya naman napili ang 28-anyos na guard na tubong Minglanilla, Cebu upang maging unang PBA Press Corps bubble Player of the Week nitong Oktubre 11-18.

Inungusan niya para sa weekly citation ang teammate na si Ray Parks Jr. at Phoenix Super LPG stalwart Matthew Wright.

Samantala, napili naman si Rain or Shine guard Adrian Wong upang maging unang PBAPC Rookie of the Week matapos na maging unang freshman player na naging Best Player of the Game sa kanyang itinalang 15 puntos, 2 rebounds, at 2 assists sa kanilang 70-68 panalo kontra Northport.

Kasunod ng TNT (4-0), ang Elasto Painters, na mayroong apat na rookies ay nasa ibabaw din ng team standings hawak ang malinis na markang 3-0, panalo-talo sa unang linggo ng bubble.

“Hindi ko in-expect na ganito kaganda ‘yung ilalaro ko pero noong lockdown kasi, kundisyon pa rin ako kaya masaya na nagbunga ‘yung pinagpaguran ko,” anang sharp-shooting Gilas Pilipinas sniper na si Pogoy na may itinalang 23. 7 puntos, 7.0 rebounds, 1.3 assists at 2.0 steals per game average.

“Happy ako kasi maganda performance, tapos nananalo pa ‘yung team. Sabi nga ng teammates ko, tuloy-tuloy lang daw. Wala pa dapat i-celebrate kasi four games pa lang. Malayo pa ito,” aniya.

Marivic Awitan