MAY dalawang buwan pa bago magsimula ang isa sa pinaka inaabangang relihiyosong tradisyon sa bansa, ang ‘Simbang Gabi’ ngunit pinagpaplanuhan na ito ngayon ng Simbahan at mga lider sa pamahalaan.
Mula noong Marso marami sa ating tradisyunal na kaugalian ang nakansela dahil sa COVID-19, kabilang dito ang Visita Iglesia tuwing Mahal na Araw, ang maraming pista at Santacruzans noong Mayo at ang pagbisita sa mga sementeryo ngayong buwan at sa Nobyembre bilang bahagi ng Undas. Maging ang Traslacion ng Itim na Nazareno sa Enero ay kanselado rin dahil sa panganib na dala ng bulto ng mga mananampalataya na dumadalo rito.
Ngunit bukod-tangi ang Pasko sa lahat ng tradisyon sa ating bansa. Nitong Setyembre, narinig na natin ang mga Pamaskong awitin. Nagsisimula na rin nating masilayan ang mga dekorasyong pamasko sa mga lansangan sa maraming siyudad. May mga naka-display na ring Christmas lights ang mga tindahan, ang tradisyunal na parol at ang mas makabagong mga pailaw.
Sentro ng Paskong Pilipino ang Simbang Gabi na dinala ng mga Pilipino saan man sila magpunta sa mundo, partikular sa United States, sa Middle East, at sa Rome, Italy, ang setro ng Katolisismo sa mundo.
Noong nakaraang taon, mismong si Pope Francis ang nanguna sa Simbang Gabi sa Saint Peter’s Basilica kung saan isang espesyal na mensahe ang ibinigay niya sa mga Pilipino. “You, dear brothers and sisters who have left your land in search of a better future have a special mission. Your faith should be leaven in the parish communities to which you belong,” aniya.
Sa maraming bahagi ng mundo, naitatala ang muling pagdami ng kaso ng COVID-19, particular sa United States, France, Britain, at Italy. Sa kabutihang-palad, unti-unti nang bumababa ang kaso natin dito sa Pilipinas. Utang natin ito sa pitong buwan na lockdown na ipinatupad sa bansa at ang pagsunod ng mga tao sa kampanyang “Mask. Hugas. Iwas.”
Kung magpapatuloy ang sitwasyong ito, maaari nang alisin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang karamihan sa mga ipinatutupad na restriksyon, upang pagsapit ng Disyembre 16, mararanasan natin ang Simbang Gabi.