TOKYO — Nananatiling aktibo ang coronavirus sa balat ng tao sa loob ng siyam na oras, natuklasan ng mga mananaliksik sa Japan, isang pag-aaral na nagpapakita ng kahalagahan ng palagiang paghuhugas ng kamay upang malabanan ang COVID-19 pandemic.
Sa pagkukumpara nananatili lamang ang pathogen na nagdudulot ng flu sa balat ng tao ng hanggang 1.8 oras, ayon sa pag-aaral na inilabas ngayong buwan sa Clinical Infectious Diseases journal.
“The nine-hour survival of SARS-CoV-2 (the virus strain that causes COVID-19) on human skin may increase the risk of contact transmission in comparison with IAV (influenza A virus), thus accelerating the pandemic,” ayon sa pag-aaral.
Sinuri ng mga mananaliksik ang balat na nakolekta mula sa autopsy specimens, isang araw matapos mamatay ang pasyente. Kapwa hindi na aktibo ang coronavirus at flu virus sa loob ng 15 segundo matapos gamitan ng ethanol, na ginagamit sa hand sanitizers.
“The longer survival of SARSCoV-2 on the skin increases contact transmission risk; however, hand hygiene can reduce this risk,” paliwanag pa.
Sinuportahan ng pag-aaral ang panuntunan ng World Health Organization para sa regular at maayos na paghuhugas ng kamay upang malimitahan ang pagkalat ng virus, na nakahawa na sa higit 40 milyon tao sa mundo mula nang una itong umusbong sa China noong huling bahagi ng nakaraang taon.
LABAN NG EUROPE SA TUMATAAS NA KASO
Nahaharap ngayon ang milyon-milyong European sa mahigpit na new coronavirus restrictions sa pagpapalakas ng hakbang ng mga pamahalaan upang mapabagal ang bugso ng impeksyon, matapos iulat ng World Health Organization ang “very concerning” 44 porsiyentong pagtaas ng kaso sa Europe sa loob lamang ng isang linggo.
Mula nitong Sabado ng gabi, sumailalim sa curfew ang Paris at ilang lungsod sa France na tatagal ng hanggang isang buwan.
Ipinagbawal ng England ang mixed household gathering sa capital at iba pang lugar, habang pinakamaraming tao na rehiyon sa Italy ay nilimitahan na ang pagbubukas ng mga bar at pagsuspinde sa mga sports events.
Nakikitaan ng pag-akyat ang mga kaso ng virus, na kumitil sa buhay ng higit 1.1 milyong tao sa mundo, higit sa lebel na nakita sa unang bugso ng kaso noong unang bahagi ng taon, nang magpatupad ng national lockdown ang maraming bansa upang makontrol ang krisis.
Bukod sa death toll, nagdulot din ng malaking pinsala ang pandemya sa lipunan at ekonomiya sa mundo.
Ang United States, na pinakamatinding tinamaan ng pandemya na may higit 218,000 pagkamatay, nitong Biyernes ay ibinahagi ang record deficit na $3.1 trillion sa fiscal year nitong Setyembre 30.
Inanunsiyo rin nito na lumampas na walong milyon ang bilang ng kaso sa bansa. Nagtala rin ng bagong record ang daily infections sa mundo.
Sa pag-asang mapahupa ang pangamba sa tumataas na impeksyon at pag-iwas na bumalik sa lockdown, maraming pamahalaan ang naghigpit ng pamantayan upang makontrol ang pagkalat ng pandemya—kahit pa ilang hindi pabor ang lumalaban sa korte.
CURFEWS, CLOSURES, LEGAL BATTLES
Nasa 20 milyong tao sa Paris at walong iba pang siyudad sa France ang nahaharap sa 9 p.m.-6 a.m. curfew mula nitong Sabado matapos ang bugso ng kaso sa mga lugar na una nang naging major hotspots sa Europe.
Nakapagtala ang French health authorities ng higit 25,000 bagong kaso ng coronavirus kasama ng 178 pagkamatay. Maraming restaurant owners ang hindi masaya dahil apektado ang kanilang negosyo.
Pinakamatinding tinamaan sa Europe ang Britain, na may higit 43,000 pagkamatay mula sa halos 700,000 kaso.
Ngunit habang pinaiigting ng pamahalaan ang mga restriksyon, sa pagbabawal ng mga
indoor meetings sa pagitan ng mga miyembro ng magkakaibang pamilya sa London at ilan pang siyudad sa bansa, lumalago rin ang kritisismo mula sa ilang sector. Sa ilalim ng bagong panuntunan, nasa 28 milyong tao—kalahati ng populasyon ng England—ang ngayo’y nahaharap sa mahigpit na social restrictions.
Ilang opisyal sa northwest England ang tumutol na mapasailalim ang kanilang siyudad highest level ng bagong three-tier alert system.
Aminado naman si Prime Minister Boris Johnson na ang local restriction policies ay hindi kakayaning maging “pain free.”
Ngunit sa pagpapatupad ng bagong restriksyon umaasa ang pamahalaan na sapat na ito upang hindi bumalik ang bansa sa panibagong full lockdown.
Samantala ang North Ireland naman ay nagsara na ng mga pubs at restaurant nitong Biyernes sa loob ng isang buwan at pinahaba ang school holidays.
Sa pagdami ng kaso, paghigpit ng panuntunan hinikayat ni German Chancellor Angela Merkel ang mga mamamayan nito na manatili sa bahay hangga’t maaari matapos umusbong ang 7,830 kaso sa loob ng 25 na oras.
“What will determine winter and our Christmas will be decided in the weeks ahead by how people react now,” pahayag ni Merkel sa kanyang weekly podcast address.
Sa Italy, ipinatupad sa mayaman na northern region ng Lombardy, pinakamatinding sinalanta ng unang bugso ng kaso noong Pebrero, ang pagsasara ng mga bars sa hatinggabi.
Habang ang Slovakia nitong Sabado ay nag-anunsiyo na susuriin ang lahat edad 10 pataas para sa virus, matapos ang bugso ng kaso.
Agence France-Presse