MATAGAL nang pinag-uugatan ng pagtatalo ng United States at China ang South China Sea, sa aktibong pagkuwestisyon ng US sa pag-aangkin sa China sa sinasabi nitong karapatan sa halos buong bahagi ng dagat na sakop ng tinatawag nitong nine-dash line, at regular na pagpapadala ng barko at mga eroplano sa lugar upang igiit ang freedom of navigation sa ikinokonsidera nitong international waters. Gayunman, nakikita ng China ang mga hakbang na ito bilang isang probokasyon.
Ang South China Sea ay napalilibutan ng Pilipinas sa silangan, Vietnam sa kanluran, at Malaysia at Brunei sa timog. Sa hilagang-silangan ay ang East China sa pagitan ng China at Japan. Sa dulong hilaga nito ay ang Yellow Sea sa pagitan ng China at North at South Korea.
Nitong nakaraang buwan, isang international incident sa naturang lugar ang naganap kung saan nasangkot ang Pilipinas—isang US surveillance aircraft na lumipad sa bahagi ng Yellow Sea ang gumamit umano ng codes na para sa Philippine aircraft. Aminado sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na isa itong mabigat sa isyu sa seguridad dahil maaaring madamay ang Pilipinas sa lumalalang tensyon sa pagitan ng China at US.
Isang ulat mula sa South China Sea Strategic Situation Probing Initiative (SCSSPI) ang nagsabi na isang US RC-1355 reconnaisance aircraft na gumagamit ng code na para sa Pilipinas ang lumipad sa bahagi ng Yellow Sea sa pagitan ng China at Korea. Ang nadetektang Philippine code ay maaaring magbigay hinala sa China lalo’t hindi naman nagsasagawa ng patrol operation ang Pilipinas sa nasabing lugar.
Maaaring nais lamang suriin ng mga US pilot ang reaksyon ng China, ani Esperon na nagpahayag ng kanyang pagkabahala. “What could happen is it could implicate or incriminate the Philippine side. We simply have to remind our US counterparts of the implications. The Philippines has sent a communication to the US embassy in Manila. This is something that must be discussed. Nonetheless, we hope this could be settled satisfactorily between the parties,” aniya. Sa isang press conference, sinabi ng China foreign ministry, “Since the beginning of this year, US reconaissance aircraft have electronically impersonated civil aircraft of other countries in the South China Sea for more than a hundred times. This threatens the security of China and countries in the region.”
Ang mga paglipad sa bahagi ng Yellow Sea malapit sa Korea, tulad ng nangyayari sa bahagi ng East China malapit sa Japan, at South China Sea malapit sa Pilipinas ay matagal nang bahagi ng operasyon ng US sa mundo sa pagpapahayag nito ng freedom of navigation at flight sa mga international waters.
Umaasa tayo maaayos ito ng dalawang bansa nang walang anumang insidente na maaaring humantong sa isang marahas na komprontasyon at hangad din natin na huwag maidamay o malagay sa alanganin ang anumang bansa tulad ng Pilipinas na kaibigan ng pagkabilang panig.