AYON kay Pangulong Duterte nitong Miyerkules, tadtad ng korupsyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Wala, aniyang, konstruksyon na uumpisahan kapag walang lagay, grabe ang problema rito. “Maraming opisyal ang komplikadong burukrasya, kaya hindi ko alam kung sino ang mga sangkot, kahit iyong para sa mga gamot at lahat na,” wika pa niya. Kaya, tinawagan niya ang Kongreso hinggil sa korupsyon sa DPWH. Ang problema, buo ang pagtitiwala ng Pangulo kay DPWH Sec. Mark Villar, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque. “Sa kabila ng korupsyon, natupad ni Sec. Villar ang kanyang tungkulin. Nakatulong ang pamilya ni Villar na may higit na salapi kaysa DPWH. Ang ama ni Villar, si real estate tycoon Manuel Villar na dating Senador ay pinakamayamang Pilipino sa taong ito sa Forbes’ list of billionaires na tinatayang may yaman na 5.7 billion dollar o P280 billion,” dagdag pa ni Roque. Ang ibig, aniyang, ipahiwatig ng Pangulo ay binibigyan diin niya ang kanyang kakaharaping problema sa nalalabing dalawang taon ng kanyang termino, kabilang dito ang paglaban sa korupsyon sa pamahalaan, lalo na sa DPWH at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Iyon bang panawagan ng Pangulo sa Kongreso na bigyan nito ng atensyon ang DPWH ay nangangahulugan na nais niya na ito ay magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa korupsyon dito, na ayon sa kanya, ay malalala na? Hindi ko alam kung gagawin naman nito ng Kongreso. Aba, eh nadala na ito. Inimbestigahan ng Senado at Mababang Kapulungan ng kongreso ang maanomalyang paggamit ng pondo ng PhilHealth. Ang naging bunga ng imbestigasyon ng Senado ay bilyong piso ang naibulsa ng mga opisyal ng nasabing ahensiya at ang inerekomenda nitong sampahan ng mga kaso ay ang mga board officials kabilang na rito si Sec. of Health Fancisco Duque. Ayon sa ulat ng Senado, hindi nangyari ang anomalya na walang kinalaman o kaugnayan si Duque dahil siya ang Board Chairman. Pero, kahit pa sa kasagsagan ng imbestigasyon hanggang sa malikha ng Senado ang ulat, ipinangalandakan ng Pangulo ang kanyang pagtitiwala kay Roque na ikinadismaya ng mga Senador sa pangunguna ni Senate President Vicente Sotto.

Kaya, inulit lamang ng Pangulo ang ginawa niya sa PhilHealth sa DPWH. Sa kabila na alam na niya ang mga grabeng katiwalian sa DPWH, tulad ng mistulang paglinis niya kay Duque sa PhilHealth, ganito rin ang ginawa niya kay Villar. Dahil bilyonaryo ang angkan ni Villar at higit na marami ang salapi nito kaysa DPWH, nananalig siyang hindi ito sangkot sa korupsyon. Tell that to the marines. Naniniwala ako na walang mangyayari sa anumang hakbang na gagawin niya sa paglaban sa koruspyon sa nalalabing panahon ng kanyang termino. Sa panahong ito, dito titindi ang korupsyon. Gagamitin ito ng mga inilagay niya sa pwesto na tumulong sa kanyang kandidatura para makabawi at pababawin niya sa pondo ng bayan. Nakabayad na ang Pangulo sa angkan ni Alan Lord Velasco nang iluklok niya ito sa speakership ng Kamara sa kabila ng pagpupumilit ni Cong. Cayetano na manatili sa pwesto. Ibinigay pa na niya rito ang mga malaking kontrata sa gobyerno. Ang kayamanan ng pamilya ni Sec. Villar ay hindi garantiya na hindi ito masasangkot sa anomalya. Ang malaking pondong ibinigay nila sa Pangulo ang maguudyok para niya gawin ito. Para ano pa iyong hirangin siya ng pinuno ng DPWH na tambakan ng mga pork barrel at mga malaking pondong nasa budget na walang tiyak na pinaglaanan. Ito ang uri ng ating pulitika na ang sinumang nagsasabi na magagapi niya ang korupsyon ay fake news. Lalo na sa sistema ng hustisya na may tinitignan at may tinititigan.

-Ric Valmonte
Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika