PINANGUNAHAN ni Chief Justice Diosdado Peralta ang isang grupo na nag-inspeksyon ng dolomite sand beach sa Manila Bay nitong Miyerkules kasama sina Associate Justices Rodil Zalameda, Mario Lopez, Edardo delos Santos, at Ricardo Rosario.
May mga paratang na nagsasabing maaaring maging banta sa kalusugan ng publiko ang dolomite. May mga ulat din na dahil sa mga nagdaang pag-ulan naanod na ang ilang maliliit na butyl ng dolomite palayo sa bay. Ngunit hindi ito ang dahilan kung bakit nagtungo roon ang grupo ng Korte Suprema.
Naroon sila dahil noong 2008, naglabas ang Korte Suprema ng isang desisyon na nananawagan para sa rehabilitasyon ng Manila Bay mula sa isang kaso na inihain ng Concerned Residents of Manila Bay. Matapos ang isang taong mga pagdinig, binigyan ng direktiba ng Korte Suprema ang 13 ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng
Department of Environment and Natural Resources upang linisin ang bay. Binigyan sila ng 10 taon para gawin ito.
Si Chief Justice Peralta na lamang ang natitirang miyembro ng Korte Suprema na naglabas ng desisyon noong 2008, habang ang iba ay nagretiro na sa nakalipas na 18 taon. Sa ilalim ng SC rules, aniya, sinumang nananatili sa korte, na bahagi ng desisyon noong 2008, ang siyang mamamahala sa kaso. “I am now in charge of the case,” pahayag ng chief justice. Ito ang paliwanag kung bakit bumisita ang grupo sa dolomite beach nitong Miyekules sa pangunguna mismo ng chief justice.
Bago ang inspeksyon, pinamunuan nina Chief Justice Peralta at DENR Secretary Roy Cimatu ang isang pulong sa isang malapit na hotel kung saan iniulat ng DENR ang mga aktibidad na ginagawa ng iba’t ibang ahensiya upang malinis ang Manila Bay, kabilang ang pagtatanggal ng basura at mga dumi mula sa river system na dumadaloy sa Ilog Pasig, patungo sa Manila Bay.
Matapos ang inspeksyon sa dolomite beach, sinabi ni Chief Justice Peralta na naiparating sa kanya ng isang engineer na bumaba na ang fecal coliform level sa Manila Bay sa 49 MPN (most probable number) per 100 millimeters, mas mababa kumpara sa kinakailangang 100 hanggang 200 MPN.
Sa kanyang inisyal na ulat matapos matanggap ang utos mula kay Pangulong Duterte na linisin ang bay, sinabi ni Secretary Cimatu na umaabot ang coliform levels sa 330 MPN, kaya hindi maaaring mapaglanguyan ang bay. Walong water quality monitoring stations ang itinayo sa baybayin ng Metro Manila at hanggang nitong Enero 28, sinabi ni Cimatu, na bumuti na sa 35 MPN ang bacterial levels sa Rajah Soliman outfall, isa sa mga monitoring stations. Ito ay maiuugnay sa 49 MPN na iniulat ng isang engineer kay Chief Justice Peralta.
Ang lahat ng ito ngayon ay dapat pormal na maipresenta sa korte. Kinakailangan ang isang opisyal na ulat hinggil sa lebel ng polusyon sa MPN figures.
Nais malaman ng publiko kung ligtas na ngayong paglanguyan ang Manila Bay. Nang huling maglabas ang Department of Health ng pahayag hinggil sa isyu, inabisuhan nito ang publiko laban sa water-borne gastrointestinal diseases tulad ng diarrhea, cholera, typhoid, dysentery, at mga sakit sa balat na maaaring makuha sa anyong-tubig na apektado ng polusyon. Hangga’t hindi pa naidedeklarang ligtas ang tubig nito para sa paglalangoy, pinakamainam na iwasan munang magtampisaw sa bay.