IPINAHAYAG ni director Gina Alajar ng GMA Afternoon Prime drama series na Prima Donnas na huwag malungkot ang mga followers ng mga Donnas, dahil hindi lubusang mawawala ang character ni Sofia Pablo bilang si Donna Lynn.
Last month kasi na magsisimula na ang lock in taping ng serye, lumabas ang statement ng GMA Entertainment Group na hindi na makakasama si Sofia alinsunod sa guidelines ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi pa maaaring magtrabaho ang mga minors na 15 years old pababa.
“Gusto po lamang namin ipaliwanag sa mga nagtatanong kung bakit mawawala si Len-Len sa show, na hindi po namin desisyon iyon,” sabi ni Direk Gina. “Kung kami po ang masusunod, ayaw namin because Sofia is part of the show and we all love her. But then, mayroong mga kailangan kaming sundin na rules from DOLE.
“Nagkaroon din kami ng mahabang discussion dahil malaking problema kung paano namin lulutasin ang pagkawala niya sa story. At the end of the day napagpasiyahan namin hindi siya mawawala totally. Nawala lamang siya physically but lagi siyang kasama sa pag-uusap, laging nababanggit ang pangalan niya sa eksena, hindi po namin siya pinatay sa show.”
Magtatapos na rin ang lock in taping ng Prima Donnas at patuloy pang napapanood ang recap nito tuwing hapon, pagkatapos ng Ika-6 Na Utos sa GMA-7 at isusunod na rin agad ang mga fresh episodes na ginagawa nila.
-Nora V. Calderon