SIYAM na taong miyembro ako ng House of Representatives, mula 1992 hanggang 2001. Lagi’t lagi kong ipinagmamalaki na miyembro ako ng mababang kapulungan lalo na noong 11th Congress nang mabigyan ako ng karangalang mamuno bilang Speaker mula noong Hulyo 27, 1998 hanggang Nobyembre 13, 2000. Ipinagmamalaki ko ang aming mga napagtagumpayan sa lehislatura at kung paano naming kolektibong hinaharap ang anumang pagsubok ng kasaysayan at patunayan na tunay kaming “People’s House.”

Ngunit sa personal na lebel ipinagmamalaki kong nakapagsilbi ako sa makasaysayang kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas. Ikinokonsidera kong prebilehiyo na magkaroon ng oportunidad na makapaglingkod sa ika nga’y august chambers at maging bahagi ng kasaysayan. Sa lahat ng batikos na tinanggap ng Kongreso mula sa pagdududa ng publiko sa anumang bagay na ipinalalagay na may kinalaman sa politika o pamahalaan, ang sangay ng lehislatura ay isang mahalagang bahagi ng ating demokrasya at, sa malaking bahagi nito, ginawa nito ang tungkulin sa kasaysayan bilang protektor sa hangarin ng mga tao.

Nauna sa House of Representative ang Philippine Assembly na pinasinayaan noong Oktubre 16, 1907—113 taon na ang nakalilipas. Bago ito, ang Philippine Commission, na ang mga miyembro ay itinatalaga ng US President sa pahintulot ng US Senate, ang nagsisilbing tanging sangay ng lehislatura sa bansa. Samakatwid, mahalaga ang Philippine Assembly dahil ang mga miyembro nito ay inihalal ng mga kuwalipikadong tagapaghalal sa kani-kanilang kinatawang distrito kung saan nahahati ang bansa. Mula 1907 hanggang 1916, ang Philippine Assembly (na nagsisilbing lower house) at ang Philippine Commission (na may tungkulin tulad ng senado) ang nagsisilbi sa lehislatibong tungkulin ng pamahalaan.

Idinaos noong Hulyo 30, 1907 ang unang pambansang halalan para sa 80-puwesto ng representative body. May 104,996 kuwalipikado at rehistradong botante habang ang bilang ng aktuwal na bumuti ay nasa 98,251. Ang ating sariling Nacionalista Party na nagsusulong para sa kumpleto at buong independensiya mula sa mga Amerikano, ay lumahok sa makasaysayang halalan kasama ang Partido Nacional Progresista at iba pang minoryang partido. Nakuha ng Nacionalista ang pinakamataas na bilang ng puwesto at kalaunan dalawa sa prominenteng miyembro nito ang itinalaga bilang lider ng kapulungan---sina Sergio Osmeña bilang Speaker at Manuel L. Quezon bilang Majority Floor Leader. Ang dalawang lakas na ito ng Nacionalista, kalaunan ay magiging Presidente (Quezon) at Bise Presidente (Osmeña) ng bagong Filipino Commonwealth government noong 1935.

Ang First Philippine Assembly—sa esensiya, ay pinakaunang House of Representatives— ay nagsilbi sa mahalagang tungkulin sa ating kasaysayan. Nagsilbi ito daluyan sa pagitan ng isang bansang nasa ilalim ng kolonyal na pamumuno tungo sa isang bansa na kalaunan ay makakamit ang kasarinlanan at magiging malaya. Sinundan ito ng pagbuwag ng Jones Law sa Philippine Commission at noong 1916 pinasinayaan ang First Philippine Legislature na binubuo ng Senado at ang Kamara.

Siyempre ang naging halalan noong 1907 ay hindi naman talaga demokratiko sa pinaka-esensiya nito dahil limitado lamang ang mga kuwalipikadong botante sa mga lalaki na nasa 23 tong gulang, ngunit isa itong mahalagang unang hakbang tungo sa soberanya at demokratikong pamumuno. Ang Philippine Assembly ay kumakatawan sa hangarin ng mga Pilipino para sa mas malaking politikal na partisipasyon at ang kanilang hangarin para sa sariling pamahalaan. Isa itong malakas na argument laban sa mga naniniwalang walang kakayahang ang mga Pilipino na pamunuan ang kanilang sarili.

May malinaw na karapatan ang mga Pilipino upang batikusin ang mga kurap at walang kakayahang politiko—ito ang esensiya ng opinyon ng publiko at halalan. Ngunit kailangan nating ihiwalay ang mga indibiduwal mula sa institusyon. Ang mga politikong umookupa sa mga politikal na puwesto ay darating at aalis ngunit mananatili ang institusyon. Mahalaga rin itong tandaan ng mga politiko—kailangan mong siguruhin na ang iyong aksiyon ay hindi makasisira sa institusyon na kinakatawan mo. Bilang nakapagsilbi at namuno sa dalawang kapulungan ng Kongreso, lubos ang aking respeto para sa tungkuling ginagampanan ng demokratikong institusyon na ito. Sa aking isipan, ito ang haligi ng ating demokrasya.

-Manny Villar