NATAPOS na rin sa wakas ang nagbabagang bangayan sa Kamara matapos mahalal na Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco noong Martes. Walang nagawa si ex-Speaker Alan Peter Cayetano.
Kung baga sa suntukan, “natapos ang boksing” nang ma-knockout o mapatulog ni Velasco si Cayetano na hanggang sa huli ay bumibira pa rin, ngunit biglang nanlupaypay nang kumilos si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at nagpatawag ng special session (Oktubre13-16) para maipasa ang P4.5 trilyong pambansang budget para sa 2021. Nalagay ito sa alanganin nang biglang suspendihin ni Cayetano ang sesyon (Oktubre 6) hanggang Nobyembre 16.
Maliwanag na hindi nagustuhan ni Mano Digong ang ginawa ni Cayetano. Hindi raw dapat suspendihin ang sesyon at dapat pagtibayin ang budget nitong Oktubre 14. Hindi ito nangyari dahil marahil nga ay sa labanan sa liderato ng Kapulungan kung kaya sinuspinde ang talakayan.
Ayon sa balita, bago ang proceedings noong Martes, napilitan ang mga supporter at kaalyado ni Velasco na puwersahang buksan ang lahat ng pintuan patungo sa House plenary hall, na umano’y ipinasara ng supporters ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.
Nagsikap na makapasok sa plenary hall sina Reps. Arnie Teves (Negros Oriental), Esmael Mangudadatu (Maguindanao), Bem Noel (An Waray), Wes Gatchalian (Valenzuela City), Bernadette Herrera (Bagong Henerasyon), Doy Leachon (Oriental Mindoro) at Koko Nograles (PBA).
Nang makapasok ang mga kaalyado at supporter ng Marinduque lawmaker, nag-preside si Rep. Conrado Estrella ng Abono party-list samantalang si Pampanga Rep. Juan Pablo Bondoc bilang House Majority Leader. Niratipika ng mga kongresista ang pagkakahalal kay Velasco bilang Speaker sa pagtitipon sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City noong Lunes, na itinuturing na isang “rump assembly” dahil sa labas ng House of Representatives (HOR) ginawa.
Ganito ang pahayag ng bagong Speaker: “Let us show our countrymen that loyalty and fidelity to the promises we make are not mere conveniences for us. Let us be good examples of palabra de honor and demonstrate that our word is our bond”. Patama ito kay Cayetano na sumira sa kasunduan sa hatian o term-sharing agreement na si PRRD ang namagitan.
Nagpahayag ng suporta ang mga lider ng partido-pulitikal at power blocs kay Velasco na una nilang ipinamalas sa Celebrity Sports Plaza. Kabilang sa mga grupo ang Nationalist People’s Coalition, PDP-Laban, Party-list Coalition Foundation Inc., Liberal Party.
Samantala, ipinatawag ang dalawa ni PRRD sa Malacanang at doon ay nagkabati sila. Ayon kay Velasco, nagkaayos at nagkasundo na sila ni Cayetano. Magtutulungan sila para mapagtibay agad ang national budget na gagamitin laban sa COVID-19 pandemic at pagbangon sa lupaypay na ekonomiya.
As of press time, may 3.6 milyong Pilipino ang dumaranas ng mental disturbances dahil sa pandemic. Ayon sa Department of Health (DoH), apektado ang kalagayan sa kaisipan ng milyun-milyong Pinoy. Isipin na lang natin na maraming manggagawa ang nangawalan ng trabaho dahil sa pagsasara o pagtigil ng operasyon ng libu-libong kompanya at negosyo.
Hanggang nitong Oktubre 13, ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay 344,713. Ang nagsigaling ay 293,383 samantalang ang mga namatay ay nasa 6,372. Sa mundo, mahigit na sa 37 milyon ang COVID-19 cases at mahigit sa pitong milyon ang binawian ng buhay.
Sino mang manggamot, eksperto, scientist ang makatutuklas sa bakuna laban sa coronavirus, tiyak na siya o sila ang magtatamo ng Nobel Prize sa larangan ng medisina. Sana, ang magagaling at matatalino nating Pinoy doctors ang makatuklas ng gamot o bakuna.
-Bert de Guzman