May kissing scene sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado sa I Can See You: Truly. Madly. Deadly at dahil real life couple ang dalawa, wala nang ilangan at tanungan kung ano ang kanilang gagawin. Siyempre, wala na ring rehearsal lalo na sa ganun’ng eksena dahil bawal ang rehearsal sa kissing scene at kailangan, take one agad lalo na sa panahon ngayon.
Sabi ni Jennylyn, komportable siyang gawin ang eksena with Dennis, unlike sa ibang aktor na may konti pang tantiyahan.
Aliw lang ang description ni Dennis sa kissing scene nila ni Jennylyn, “nagawa namin ng solid na maganda at malaking bagay nga na kami in real life,” sabi ni Dennis.
Sa mga mang-iintriga kung bakit pinayagang magkaroon ng kissing scene sina Dennis at Jennylyn, tiniyak muna ng production team, lalo na ni director Jorron Monroy na safe ang dalawa. Dumaan sila sa swab testing bago simulan ang lock-in taping na tumagal ng apat na araw.
Kahit ginawa nina Dennis at Jennylyn ang I Can See You: Truly. Madly. Deadly sa “new normal” set up, nag-enjoy pa rin ang dalawa. Bukod kasi sa mabilis ang trabaho, walang alisan sa set at higit sa lahat, hindi sila nag-away ni Jennylyn.
Nakwento kasi ni Jennylyn sa mga nagdaan nilang project na magkasama, away sila ng away, hindi lang halata dahil kapag nasa harap na sila ng camera, propesyonal na sila at parang hindi galing sa away.
Anyway, mapupuri pala ang gesture ni Dennis na i-donate ang kanyang talent fee sa nabanggit na project ng GMA-7 sa buong production team nito. Pasasalamat daw niya ‘yun at pagpupugay sa sipag ng crew and staff na sobra ring naapektuhan sa Covid-19 pandemic.
Sabi nga ni Dennis, “mas marami silang ginagawa sa taping, mas nauunang dumating at mas nahuhuling umuwi. Kaming mga artista, basta gawin lang ang trabaho, umarte ng tama, okay na. Ang TV crew, mabibigat ang ginagawa.
Sa Lunes (October 19) na ang simula ng airing ng I Can See You: Truly. Madly. Deadly, 9:15 pm., sa GMATelebabad ng GMA-7. Kasama nilang magbibida si Rhian Ramos at kasama rin sa cast si Joanna Marie Tan.
-NITZ MIRALLES