“SINUSUPORTAHAN ko ang bagong liderato dahil naninindigan si Velasco dahil sa karangalan. Kung mayroong institusyon sa bansang ito na dapat tumindig para sa karangalan, ito ang Kongreso,” wika ni Albay Rep. Joey Salceda. Isa ito sa mga Kongresistang nasa kampo dati ni Cong. Alan Peter Cayetano na biniyayaan niya ng chairmanship ng Ways and Means Committee na ngayon ay nasa kampo na ni Velasco. Hindi ko alam kung para rin sa karangalan ang ginawa niyang pagbaligtad. Nanatili ba rin siyang pinuno ng komite na ibinigay sa kanya ni Cayetano na una niyang sinuportahan? Ngayon, marami nang pumupuri kay Velasco na hindi nila ginawa nang nakikipagtungggali ito kay Cayetano para igalang nito ang kanilang term-sharing agreement. Kung sa bagay hindi na kailangan ito ni Velasco dahil sa pagpapakitang gilas ni Cayetano para manatiling Speaker, sinira niya ang kanyang sarili sa publiko. Ganito rin ba ang naging epekto sa mga Kongresista lalo na iyong dating kakampi ni Cayetano kaya sila nag-political butterfly?
Sino ba talaga si Velasco na napakabata at napakabago ay napakalakas kay Pangulong Duterte para gawin siyang kahati ni Cayetano sa termino ng Speaker? Kung ihahambing ito kay Cayetano na beterano na sa pulitika at maraming labanan nang sinuong ito, pipitsugin lang siya. Pero, maaaring hindi pipitsugin ang nagawa ng kanyang pamilya nang tumakbo si Pangulong Duterte sa panguluhan kumpara sa nagawa ni Cayetano. Ayon sa ulat, ang kanyang ama ay si dating mahistrado ng Korte Suprema, ngayon ay gobernador ng Marinduque Prisbetero Velasco at ang kanyang ina ay ang alkalde ng Torrijos na si Lorna Quinto Velasco. Ang kanyang maybahay ay si Rowena Velasco at sila ay may apat na supling. Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit sa ulat ay binanggit ang apelyido ng kanyang ina nang ito ay dalaga, pero hindi ang kanyang maybahay. Ang balita, ito ay nasa angkan ng bilyonaryo at may tangan ng mg malaking kontrata sa gobyerno tulad ni Dennis Uy.
Nag-political butterfly ang mga Kongresista hindi dahil sinira ni Cayetano ang kanyang sarili sa kadadaldal, o kaya nais niyang sumira sa term-sharing agreement nila ni Velasco. Alam na nila na ito ay hangad ni Cayetano kaya nila tinanggihan ang kunwa ay pagbitiw niya sa posisyon. Hindi rin ako naniniwala sa dahilan ni Salceda sa kanyang pagbaligtad ay honor ang inilaban ni Velasco dahil iyon mismong ginawa niya na traydorin si Cayetano ay lihis sa karangalan. Hindi rin ako naniniwala sa sinabi ng ilang Kongresista na lumipat ng kampo ang marami sa kanila dahil hindi parehas ang pagbabahagi sa budget ng pondo para sa kanilang mga distrito. Ang reklamo nila ay mas malaki ang nailaan sa mga distrito nina Cayetano at ni dating Deputy Speaker Luis Raymond Villafuerte, Jr.
Sa aking palagay ay kilala nila ang angkan ni Lord Velasco lalo na ang kanyang maybahay at ang ginawa nito sa panahon ng kampanya sa panguluhan. Alam nila kung paano nito tinulungan ang Pangulo, kaya nakialam ito nang lubusan sa pagpapaupo ng House Speaker. Higit na alam ito ni Cayetano, kaya kinukuha niya sa laway ang layunin niyang sumira sa kanilang kasunduan, pagkatapos niyang biyayaan ang mga Kongresista gamit ang kapangyarihan ng kanyang paging Speaker. Pero, bakit nabigo siya sa layunin niyang manatili sa pwesto gayong nakuha na niya noong una ang labis pa sa mayoryang Kongresista? Kung tawagin ni Cayetano, maging ni Speaker Velasco, ang Kamara ay House of the People. Sa totoo lang, House of Ants ito. Kung saan ang matamis, naroon ang mga langgam.
-Ric Valmonte