KUMBINSIDO ang Games and Amusements Board (GAB) na napagsisihan at handa na si Calvin Abueva na makabalik sa paglalaro batay sa nakuhang marka sa dinaluhang Professional Athlete’s Code of Conduct seminar ng ahensiya.

Batay sa sulat ni GAB Special Officer Kara Mallonga na may petsang Oktubre 14, inirekumenda niya sa GAB Board, sa pangunguna ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra, na nagampanan ni Abueva ang itinakdang ‘requirement’ sa pagdalo sa tatlong sunod na online seminar nitong Oktubre 6,8 at 14 kung kaya’t marapat nang maibalik sa kontrobersyal Phoenix Fuel Masters forward ang kanyang professional license.

“The Professional Athlete’s Code of Conduct and Ethics seminar has been satisfactorily completed by Calvin Abueva as part of the pre-requisites for the reinstatement of his Games and Amusements Board Professional Basketball License. Based on the compliance to the documentary requirements and results of the post-seminar evaluation, reinstatement of his professional license is, therefore, recommended subject to the conditions and approval of the Board,” ayon sa ulat ni Mallonga.

Nakausap din aniya ni Mallonga sina Phoenix coach Topex Robinson, team manager Paolo Bugia, at dating coach ni Abueva na si Alan Trinidad na nagpatunay na may malaking pagbabago sa manlalaro.

Trending

'Say aahh' Lalaking nag-aapply ng trabaho, sinubuan habang nasa online interview

“The three were unanimous in affirming that they have seen a significant transformation in Abueva since resources have been made available to aid him in his road towards reformation and recovery,” dagdag pa ni Mallonga sa naturang sulat.

Nakasaad din sa ulat na nagpakita ng kanyang kooperasyon at best effort si Abueva para magawa lahat ng hinihingi sa kanya bukod sa pakikiisa sa mga nangyaring diskusyon. Naiintindihan din nya ang inaasahang dapat na ugaliin at maging gawi ng isang professional athletes, ngunit nangangailangan pa rin ng tulong mula sa team management upang maisagawa ang reporma.

Kasama ng Phoenix si Abueva sa isinasagawang ‘PBA bubble’ sa Clark, ngunit, hindi pa ito pinaglalaro. Pinatawan siya ng ‘indefinite ban’ matapos ang serye nang pagpapakita ng ‘unsportsmanlike conduct’.

Samantala, solong liderato at ikatlong dikit na panalo ang pupuntiryahin ng TNT sa pagsabak nila sa tampok na laro ngayong gabi sa pagpapatuloy ng 2020 PBA Philippine Cup restart sa Pampanga.

Makakasagupa ng Tropang Giga ang reigning titlist San Miguel Beermen ganap na 6:45 ng gabi pagkatapos ng unang salpukan sa pagitan ng Terrafirma at Rain or Shine ganap na 4:00 ng hapon.

Huling ginapi ng Tropang Giga sa pamumuno ni Ray Parks Jr. para sa ikalawang dikit nilang panalo nitong Martes, 112-101.

-Marivic Awitan