MATAGAL nang depisyente ang sistema ng hustisya sa bansa. Bahagi nito ay maaaring isisi sa ilang prosecutor na tinitingnan ang aplikasyon ng hustisya bilang isang bagay na may kinalaman sa social status, madalas na isinasantabi ang moral at etikal na aspekto ng mga kaso.
Isang malinaw na halimbawa rito ang situwasyon ng kaso ng politikal na bilanggo na si Reina Mae Nasina. Inihiwalay sa kanyang anak nang ito halos isang buwang gulang pa lamang, hindi siya binigyan ng pagkakataon na maalagaan ang kanyang may sakit na anak, na namatay nang wala sa kanyang kanlungan. Kahit pa nga binigyan siya ng tatlong araw na pansamantalang paglabas sa kulungan upang makadalo sa burol ng kanyang anak, ang hakbang na ito ay isang pag-amin na baliko ang sistema ng hustisya sa bansa.
Kung titingnan natin kung paano tinatrato na tila hari ang mga mayayaman ng katakot-takot na mga prosecutor at hukom, sa desperasyon ay napapamura na lamang tayo at isinusumpa ang mga nag-iinterpreta ng hustisya na may kinikilingan. Sa kaso ng mga Marcos, na inalisan ng kapangyarihan higit tatlong dekada na ang nakalilipa, nananatili silang malaya at hindi kailanman napunta sa likod ng rehas na bakal hanggang ngayon. Matapos mabawi ang bilyon-bilyong piso, hindi kailanman natin narinig ang korte na nag-utos sa mga awtoridad na ikulong ang mga ito.
Sa higit P171 bilyong ill-gotten wealth na narekober, hindi pa ba sapat ang halagang ito para mailagay sila sa bilangguan kahit pa ang kanilang mga kaso ay sibil kung tutuusin? Kung inuulan ng isulto ng buong mundo ang isang shoplifter na nangupit ng pagkain at nabilanggo dahil sa kawalan ng kakayahang magbayad ng items niyang kinuha, bakit ang mga Marcos, na nagkamal sa salapi ng publiko, ay nananatiling malaya at dinadakila pa?
Lagi’t laging nakabaling sa mayaman ang batas sa Pilipinas. Maging ang mga bumuo ng batas, na karamihan naman ay nagmula sa angkan ng mga mayayamang politiko, ang nagpasa ng mga panukalang nagsusulong ng kapakanan ng mayayaman at makapangyarihan.
Sa ibang bahagi ng mundo, ang mga hukom, na may kontrol sa buhay, biyas, at ari-arian, ay pinipili sa pamamagitan ng halalan, upang kumilala sila ng utang sa publiko. Sa ating kaso, ang mga mahistrado ay itinatalaga ng mga awtoridad na politiko rin naman. Ang mataas at makapangyarihan, sa malisyosong inbokasyon, ay laging sinisisi ang Konstitusyon sa situwasyong ito.
Bagamat wala tayong sapat na resources upang magsagawa ng espesyal na halalan para sa mga mahistrado, ang paraan ng pagpili sa kanila ay hindi dapat iniaasa sa kamay lamang ng mga politiko; ang pribadong sektor at ang publiko ay dapat na sangkot dito. Sa paraang ito maaari nating maitaboy ang mga tusong hukom anumang oras.
Matindi ang pinagdusahan ng ugali at asal sa panahong ito. Malinaw ang obserbasyong ito sa mga korte kung saan ang mga alyansa ay kalimitang nagreresulta sa desisyong hindi patas para sa mga mahihirap at kulang sa karapatan. Kung minsan, ang muhon ng sistema ng hustisya sa ating bansa ay nakapaling sa masama sa pumipihit sa ‘di-balanseng sistema na nangyayari sa ilang hukuman.
-Johnny Dayang