DUMARAMI ang kawatan sa mga mataong bangketa sa Metro Manila, sinasamantala ang magulong takbo ng isip ng mga kababayan nating tuliro sa paghahanap ng pagkakakitaan, sa gitna ng kahirapang dulot ng pandemiyang COVID-19 sa ating bansa.
Ang nakalulungkot, tila malalakas ang loob ng mga kawatan sa mga pangunahing kalsada sa Kalakhang Maynila – malaki ang tiwala sa sarili na walang huhuli sa kanila!
Kadalasan ay ‘di naman nakararating sa bakuran ng mga presinto ang na-hulidap – mga violation na kung tutuusin ay pwede namang mapatawad, lalo pa’t unang pagkakataon lang ito nagawa – dahil sa mismong lugar, nagkakatakutan na agad, kaya napipilitang magbigay ng pera o anumang gamit na may halaga na dala ang biktima.
Maraming kasong ganito na hindi naman naipapasok sa blotter ng mga presinto, dahil sa takot ang mga nabibiktima, ayaw na maabala, at alam nilang walang namang mangyayari – kasi ang paniwala nila mga pulis talaga ang tumira sa kanila.
Kaawa-awang mga kababayan natin – naghihirap na para kumita ng marangal sila pa ang ginagawang palabigasan ng mga mandurugas na ito, na sa aking paniniwala ay kundi man pulis ay mga alaga o pakawala nila na mga tirador sa bangketa.
Isa sa naging biktima nito lamang weekend ay ang musikerong si Ka Tonio, isang magaling na piyanista at organista. Batay sa kuwento niya, may mga nagpakilalang pulis sa MPD Station-5 na lumapit sa kanya, habang naglalakad siya may kanto ng United Nations Avenue at Mabini Street.
Nakatanggap kasi ng text message si Ka Tonio na may naghihintay na gimik o “gig” na pagkakakitaan – isa siya sa mga Pinoy musikero sa ating bansa na hirap na hirap sa paghahanap ng pantustos sa pamilya dahil sa pandemiya - ng araw na iyon, kaya dahil walang perang pamasahe, naglakad siya papunta sa lugar sa Ermita.
Tatlong nagpakilalang mga pulis Maynila ang biglang nagsulputan sa harapan niya, matapos niyang ibaba ang facemask at humitit ng sigarilyo habang naglalakad sa bangketa.
Hirit ng mga nagpakilalang pulis, dahil daw sa paglalakad ng walang facemask at paghitit ng sigarilyo sa publiko, dadalhin siya sa presinto para magmulta ng P2000. Pero kung may P500 siya pwede ng sa kanila na lang magmulta at di na aabot sa istasyon nila.
Nang matantiya ng mga “pulis” na wala silang mababakal, ang pinag-initan ng mga ito ay ang cellphone ni Ka Tonio. Kinuha ng mga ito ang gadget – na napaka-importante sa isang musikero sa paghahanap ng “gig” -- at tubusin na lang daw sa kanila sa MPD Station-5 kung saan sila naka-assign, o di-kaya naman ay sa lugar ding iyon na madalas nilang tambayan.
Takot at hindi sanay sa ganitong sitwasyon, ibinigay ni Ka Tonio ang cellphone sa mga ito, at nangangatog ang mga tuhod sa takot, na mabilis lumakad palayo.
Maraming ganitong hulidap na nangyayari ngayong panahon ng pandemya, pero nakapagtataka namang wala rin tayong naririnig na nasasakoteng kawatan ang mga pulis sa lugar.
Katwiran na bomalab ng ilang opisyal ng pulis – wala naman kasing report na natatanggap sa kanilang presinto. Susme – wala talaga, kasi nga takot ang mga nabiktima pumunta pa, dahil ang paniwala nila ay pulis ang mga ito!
Kung hindi kayo mismo o mga alaga at pakawala ninyo ang mga tirador na ito – dapat may mahuli man lang kayo. Huwag umasa sa sumbong ng tao…paganahin n’yo naman ang intelligence network ng presinto!
Ako nga tuwing mapupunta sa mga mataong bangketa, at makipaghuntahan lang ng ilang minuto sa mga vendor at pedicab driver, may napupulot na agad na mga kuwento ng pandarambong – kayo pa kaya?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.