Nataposna rin ang bangayan hinggil sa speakership sa Kamara. Nangibabaw na rin ang term-sharing agreement para sa termino ng Speaker sa pagitan nina Cong. Alan Peter Cayetano at Lord Allan Velasco. Pagkatapos ng pulong na idinaos ng kampo ni Velasco sa Celebrity Sports Plaza nitong Lunes, sa botong 186 inihalal siya ng mga Kongresista na bagong Speaker. Nitong sumunod na araw, sa loob ng Batasang Pambansa, kinumpirma ng mga Kongresista ang pagkahalal ni Velasco. Ayon sa nangyaring nominal voting, ang botong 186 ni Velasco sa Celebrity Sports Plaza ay lomobo pa at nahigitan pa ang botong ipinagmamalaki ni Cayetano na sumusuporta sa kanya sa kanyang hangaring manatili pa sa pwesto. Nangyari ito, pagkatapos na manawagan ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanyang pangamba na maipit at maatraso ang pagpasa ng P4.5 trillion budget para sa 2021. Kasi, Nobyembre 6 pa lang ay sinuspindi na ni Cayetano ang session at umabot lang sa second reading ang budget. Kaya, sa unang araw ng special session na tinawag ng Pangulo, pinatalsik na si Cayetano at ang ipinalit sa kanya ay si Velasco na binigyan lang ng katuparan ng Kamara ang kanilang term-sharing agreement.
Sa mga Pilipinong nagmamahal ng kanilang bayan at mga demokratikong institusyong itinatag ng dugo at buhay ng kanilang mga ninuno, walang halaga sa kanila ang nangyaring ito sa Kamara. Kung mayroon man, nagbigay lang ito ng aliw sa kanila na parang nakapanood ng circus o pelikula. Kahit paano nalibang sila at nabawasan ang kanilang takot at pagkabalisa as pandemya. Iyong ipinagmamalaki ni Pangulong Duterte na panagot sa pandemya ang napakalaking halagang budget kaya takot siyang maipit ito ng bangayan sa speakership ay wala itong kwenta sa mga nagnanais ng isang makatao, makatarungan at mapagmalasakit na lipunan. Ang mahalaga ay ang lipunan may puso. Ang nangyari sa Kamara ay labanan ng mga sakim at matakaw sa kapangyarihan na walang kaugnayan sa pagpapairal ng sistema ng hustisyang nagmamalasakit, maawain at makatao.
Maingay ang gulong ginawa nina Cayetano at Velasco sa pagaagawan nila ng kapangyarihan at karangalan. Subalit dumadagundong na kulog ang impit na pagtangis ng isang inang nasa loob ng piitan na pinagkaitan ng pagkakataon na makalinga upang mabuhay ang kanyang isinilang na anak. Nagdadalangtao si Reina Mae Nasino, Kadamay urban poor organizer, nang dakpin siya at ang dalawa niyang kasama nang salakayin ng mga pulis ang opisina ng Bagong Alyansang Makabayan sa Tondo, Manila kaugnay ng kanilang crackdown sa mga political activist. Sinampahan sila ng illegal possession of firearms at explosives, na laging ganito ang mga kasong ipinapatong sa mga kagaya ni Nasino ng mga pulis upang hindi sila makapagpiyansa. Pagkatapos magsilang si Nasino sa Dr. Fabella Memorial Hospital, ibinalik siya sa piitan sa kabila ng petisyon ng kanyang abogado na manatili siya rito para maalagaan ang kanyang sanggol. Ipinagkaloob ang bata sa pangangalaga ng kanyang lola. Ipinagkait ng korte ang karapatan ng sanggol na mabuhay at mapasuso ng kanyang ina, na sadyang kailangan niya dahil siya ay isinilang na kulang sa timbang. Nang ito ay magkasakit, hiniling ni Nasino sa korte na madalaw niya ito, subalit, ipinagkait na naman ito sa kanya. Habang nasa piitan, dumating ang balita na namatay ang kanyang anak. Nanangis siya na umabot ito hanggang langit dulot ng kalupitan, kawalan ng awa at katarungan ng lipunan ng mga naghaharing uri na hindi wasto ang prayoridad.
-Ric Valmonte