NATANGGAP ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) ang liham mula sa University of Santo Tomas na nag-i-endorso ng apela ng dating men's basketball coach ng Growling Tigers na si Aldin Ayo.
Ini-apela ni Ayo ang ipinataw sa kanyang ‘indefinite ban’ sa lahat ng UAAP events at UAAP-sanctioned activities ng UAAP Board of Trustees sa rekumendasyon na rin ng UAAP Board of Managing Directors noong nakaraang buwan bunsod ng kontrobersyal na ‘bubble training’ na isinagawa ni Ayo sa Tigers sa Sorsogon.
Ayon kay Ayo, hindi makatao ang nasabing parusang ipinataw sa kanya lalo pa't ipinahayag ng Sorsogon Police matapos ang kanilang imbestigasyon na wala naman silang nilabag na health protocols at guidelines ng Inter Agency Task Force sa panahon na nagtungo at tumigil ng Sorsogon ang Tigers.
Ang desisyon ng UAAP ay ibinase sa naging ulat na isinumite ng UST mula sa sarili nilang imbestigasyon sa nangyaring training.
Ayon sa UAAP, nakatakda nilang talakayin ang apela ni Ayo sa lalong madaling panahon. Marivic Awitan