NGAYON ang unang araw ng special session na ipinatawag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Para kay Mano Digong, napakahalaga na muling mag-resume ng sesyon ang Kamara para pagtibayin ang P4.5 trilyong national budget para sa 2021 dahil dito nakapaloob ang mga pondong gagamitin laban sa COVID-19 pandemic.

Sa budget na ito, inaasahang ang mga halaga nakalaan sa iba’t ibang departamento ng gobyerno ay maibibigay para makatulong sa mabilis na pagbangon ng ekonomiya ng bansa na labis na pininsala ng coronavirus. Milyun-milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng libu-libong negosyo at kompanya. Marami ang nagugutom dahil walang trabaho. Ang iba ay namamalimos na.

Sa P4.5 trilyong pambansang budget ay naroroon ang mga alokasyon ng bilyun-bilyong piso na ipambibili ng bakuna sa COVID-19, mga kagamitan, pondo para sa mga ospital, ayudang-pinansiyal sa mga manggagawa, mga programa at proyekto na mag-aangat sa nanlulupaypay na kabuhayan ng Pilipinas.

Nagalit ang Pangulo sa nangyayaring iringan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco tungkol sa liderato ng Kapulungan. Dahil dito, nababalam ang approval ng national budget na kailangang-kailangang maipasa. Ayaw ni PRRD na muling magkaroon ng reenacted budget sa 2021 na ang gagamiting muli ay ang 2020 budget.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Gusto niyang unahin muna ng mga kongresista na pagsikapan at pagtuunan ng pansin ang pagpapatibay sa national budget, isantabi ang political at personal interest. Kapag hindi naipasa ang budget, walang magagamit na pondo na panlaban sa COVID-10. Kapag ganito ang nangyari, malalagay sa alanganin ang paglaban sa salot at posibleng lalo pang dumami ang tamaan ng virus.

Nangako naman kapwa sina Cayetano at Velasco sa Pangulo na uunahin nila ang pagpapatibay ng P4.5 trilyong budget. Sana ay tumupad ngayong araw na ito ang dalawa. Isantabi muna nila kung sino sa kanila ang magiging Speaker ng Kapulungan. Pagkatapos ng budget, saka nila lutasin ang isyu ng liderato.

Higit na makabubuting sundin nila ang kagustuhan ng Pangulo. Kung sila’y talagang mga lingkod ng bayan at tunay na mga Kinatawan ng bayan, kalimutan muna nila ang interes-pulitikal. Ang isipin nila ay ang kapakanan, kagalingan at kabutihan ng mahigit sa 100 milyong Pilipino na ngayon ay nagdurusa dahil sa bagsik at lason ng COVID-19.

-Bert de Guzman