INILUNSAD nitong Biyernes ni Prince William ng Britain, apo at ikalawang tagapagmana ng Trono kasunod ng kanyang amang si Prince Charles, ang Earthshot Project na magbibigay ng parangal na limang one-million-pound ($1.29-million) prizes kada taon sa susunod na sampung taon para sa proteksiyon at pagpapanatili ng kapaligiran, malinis na hangin, pagbuhay sa mga karagatan, pagbawas ng basura at climate change.
Hangad ng ibibigay na parangal na mapalakas ang pandaigdigang aksyon upang masolusyunan ang lumalalang problema ng mundo sa kapaligiran. “By 2030, we really hope to have made huge strides in fixing some of the biggest problems the earth faces,” pahayag ni Prince William. Magbubukas ang nominasyon sa Nobyembre 1 para sa unang parangal na ibibigay sa autumn ng susunod na taon.
Sa tatlong kategorya-- protection and restoring nature, clean air, at waste reduction – mapapakinabangan ng indibiduwal na mga bansa ang kanilang sariling aksiyon. Dalawa naman ang magbibigay-benepisyo sa buong mundo.
Ang proyektong nakatuon sa pagbuhay ng mga karagatan ay magbibigay ng benepisyo sa maraming island nations sa mundo, kabilang ang Pilipinas, na tumataas ang pagdurusa mula sa mga basura ng maraming bansa na itinatapon sa karagatan, pagkamatay ng mga isa at ibang lamang-dagat, at pagiging lumulutang na tambakan ng basura ng maraming lugar.
Buong mundo naman ang makikinabang sa proyekto para sa climate change. Ang mapanganib na mga industrial emission, carbon dioxide, ay nagpapataas sa temperatura ng mundo, na nagdudulot ng pagkatunaw ng mga polar icebergs, na nagpapataas sa lebel ng karagatan at nagpapalubog naman sa mabababang isla.
Sinabi ng Global Carbon Project, na itinatag noong 2001 upang tumiyak sa dami ng global greenhouse emissions, na sa pagitan ng 1750 at 2018, naglabas ag United States ng 397 billion metric tons ng carbon dioxide, kasunod ang China na may 214 billion, Russia na may 180 billion, Germany na may 90 billion, United Kingdom na may 77 billion, Japan na may 58 billion. Ang mga industriya ang maaaring responsable sa pag-angat ng kanilang mga bansa ngunit ibinubuga rin nila ang pinakamaraming carbon dioxide na nagpapataas ng temperatura na nakaaapekto sa buong planeta.
Nitong nakaraang buwan, sa kanyang talumpati sa United Nations General Assembly, isang “jaw-dropping” na pahayag ang inanunsiyo ni President Xi Jinping ng China, na ngayo’y pinakamalaking nagbubuga ng carbon sa mundo— sisimulan na ng China ang pagbabawas ng carbon emissions nito at ang net contribution nito sa climate change bago ang 2060. Matagal pa ito kung tutuusin—40 taon—ngunit ito ang unang konkretong hangarin na itinakda ng anumang bansa.
Tinanggihan ni United States President Donald Trump ang Paris agreement sa climate change kasabay ng pambabatikos sa China sa pagiging pinakamalaking pinanggagalingan ng carbon emission sa kasalukuyan. Umaasa ang marami na ang naging anunsiyo kamakailan ng China para sa hangarin nitong zero contribution sa climate change ay magpakilos sa US at iba pang mga bansa upang gumawa ng hakbang, tulad ng China, para sa sarili nilang polusyong nalilikha.
Nawa’y magpakilos ang Earthshot Prize, na inilunsad nitong Biyernes, sa mga pamahalaan at mga pribadong industriya sa buong mundo upang gumawa ng hakbang para masolusyunan ang malaking problemang pangkapaligiran ng mundo at masimulan na ito ngayon.