LUBHANG nababahala si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa posibleng pagkabalam ng approval ng P4.506 trilyong national budget para sa 2021 dahil sa bakbakan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Noong Huwebes, nagbabala si PRRD kina Cayetano at Velasco na kapag hindi nila naresolba ang isyu sa liderato ng Kapulungan, siya ang gagawa ng paraan upang mapagtibay ang pambansang budget na mahalaga sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Noong Martes, sinuspinde ni Cayetano ang sesyon ng Kamara at tinapos ang oras ng debate at amendments sa House Bill No. 7727 o ang 2021 General Appropriations Bill (GAB). Ipinasa sa ika-2 pagbasa ang budget at nabigla ang mga mambabatas nang imosyon ni Cayetano na suspendihin ang sesyon hanggang Nov. 16.
Pinayuhan ng Pangulo ang liderato at mga kasapi ng Kapulungan na huwag siyang idamay o kaladkarin sa gulo at huwag hayaang ma-delay ang pagpapatibay ng P4.5-trillion 2021 national budget.
“Gusto kong maganda yung administrasyon ko sana, kung kaya ko rin. Kung kaya kong pagandahin. Pero ‘wag na ninyo akong idamay sa away ninyo,” ayon sa Pangulo. Sinabihan niya sina Cayetano at Velasco: “Wag naman sana ninyong sobrahan ang laro sa Congress na yung budget mismo ang nalalagay sa alanganin”.
Higit na mahalaga aniya na maaprubahan ang pambansang budget kaysa labanan sa liderato sapagkat inaasahan ng mamamayang Pilipino ang pondong gagamitin sa krisis sa kalusugan at pagbangon ng ekonomiya ng PH na nanlulupaypay ngayon.
Nag-warning siya sa Kapulungan na kailangang ayusin ang gulo at kung hindi, siya mismo ang kikilos upang maipasa ang national budget. “I’m just appealing to you. Gusto ko lang sabihin in one straight statement: Either you resolve the issue sa impasse ninyo diyan and pass the budget legally and constitutionally. ‘Pag hindi ninyo ginawa, ako ang gagawa para sa inyo,” bigay-diin ng Presidente.
Sinabi ni Mano Digong na hindi siya nananakot. “Basta sinasabi ko lang, if you do not solve the problem, then I will solve the problem for you. Mamili kayo.” May mas malaking problema ang bansa, aniya, kaysa away nina Cayetano at Velasco, at ito ay ang COVID-19 pandemic.
“Ayusin ninyo at isipin ninyo ang Pilipino na nasa ospital ngayon na kailangan ng medisina at yung mga Pilipinong mamamatay ngayon na walang gamot, wala lahat, kulang”.
Sa pambansang budget, nakalagay roon ang bilyun-bilyong pisong kailangang gamitin sa pagtugon sa COVID-19 pandemic, pagbili ng bagong bakuna, mga kagamitan, gamot at iba. Dahil dito, ang pangunahing layunin ni PRRD ay maipasa ang budget at huwag balamin dahil lang sa agawan sa liderato.
Sina Cayetano at Velasco ay may kasunduan sa hatian ng termino o term-sharing agreement. Hahawakan ni Cayetano ang timon ng Kamara sa loob ng 15 buwan samantalang papalitan siya ni Velasco na hahawak sa renda ng Kapulungan sa loob ng 21 buwan. Ang Pangulo ang namagitan sa kasunduan.
Maraming mamamayan at obserbador ang nagsasabi na kung naging kategorikal at prangka lang si PRRD sa kung sinong talaga ang gusto niyang Speaker sa Oktubre 14, hindi sana nagaganap ngayon ang nagliliyab at nagbabagang (ayon nga sa radio at TV broadcasters) umpugan sa Kapulungan ng mga Kinatawan.
-Bert de Guzman