Ipinarada ng North Korea ang bagong dambuhalang intercontinental ballistic missile nitong Sabado, na inilarawan ng mga analyst bilang pinakamalaki sa mundo, sa pagbalewala ng nuclear-armed country sa banta ng coronavirus matapos pumarada ang libu-libong militar na walang suot na mask bilang bahagi ng military parade.
Sakay ng isang transporter-erector-launcher na may halos 11 axles, ibinida ng North ang ICBM sa bahagi ng Kim Il Sung square habang pinagmamasdan ito ni leader Kim Jong Un mula sa rostrum, na makikita sa footage na inilabas ng state broadcaster KCTV.
Inilarawan ng mga analyst ang missile bilang largest road-mobile liquid-fuelled missile, na tinawag ni Harry Kazianis ng Center for the National Interest na “much bigger and clearly more powerful than anything in the DPRK’s arsenal”.
Sarado pa rin ang nuclear negotiation sa pagitan ng Pyongyang at Washington mula nang mabigo ito sa Hanoi summit noong 2019 at pinaniniwalaan na patuloy ang North Korea sa pagbuo ng mga bagong armas sa kabila ng diplomatic process.
Una nang naglunsad ng missile ang North na may kakayahang umabot sa alinmang bahagi ng US noong 2017, ngunit ayon sa mga analyst, ang bagong armas -- based on that rocket – ay posibleng may multiple re-entry vehicle capabilities, na kayang umiwas sa depensa ng US.
“It’s a scary prospect for the already underperforming US missile defence system,” pahayag ni Melissa Hanham ng Open Nuclear Network sa AFP.
AFP