KUNG dati ay lingguhang humaharap sa bayan si Pangulong Duterte, dahil sa pangamba niyang maatraso ang pagaproba sa P4.5 trillion 2021 budget, lumabas siya nitong nakaraang Huwebes para lang magbigay ng malabong babala. “Diretsahan tayo. Kayo ang lulutas sa problema ninyo diyan hinggil sa liderato at ipasa ng legal at constitutional ang budget. Kung hindi ninyo ito gagawin, ako ang gagawa para sa inyo. Hindi ko kayo tinatakot. Wala akong ambisyon manatili pa sa pwesto na nagdadala ng maraming problema. Sinasabi ko kapag hindi ninyo nilutas ang problema, ako ang lulutas para sa inyo. Lagi nating nakakalimutan na mayroong higit na mahalaga kaysa pag-aatraso o pagmamane-obra sa Kongreso, dahil bawat isa ay gustong maging Speaker,” wika ng Pangulo. Ang pinalulutas niyang problema ay itong pagpupumilit ni Cong. Alan Peter Cayetano na manatiling Speaker sa kabila ng pagpupumilit din ni Cong. Lord Velasco na palitan na siya. Ang iginigiit ni Velasco ay ang kanyang karapatan sa term-sharing agreement nila ni Cayetano na sa loob ng unang 15 buwan, si Cayetano ang uupong Speaker at sa susunod na 21 buwan, si Velasco naman. Mapapaso na ang termino ni Cayetano, pero ayaw niyang bumitiw sa puwesto. Lahat ng mane-obra ay ginawa niya tulad ng ipinadaan niya sa botohan ang kunwa ay maaga niyang pagreresign at pagadjourn ng wala sa oras ang session ng Kamara upang iwasan ang pagpapatalsik sa kanya. Dahil sa mga ginawang ito ni Cayetano hindi na nasunod ang iniatas ng Saligang Batas dahil hindi na umabot sa third reading ang budget bill para pagdebatehan sa plenaryo.
Maaatraso na ang pagpasa ng budget, maiisyuhan pa itong labag sa Saligang Batas. Ito ang pinangangambahan ni Pangulong Duterte kaya siya humarap sa bayan nang wala sa normal niyang lingguhang schedule at ginawa niya ang babala. Pero, ang problemang pinalulunasan niya na bangayan hinggil sa speakership ay siya rin ang maygawa. Pinakialaman niya ang problema na ang mga mambabatas sa Kamara ay may kapangyarihang lumutas. Siya ang namagitan o namatnugot sa pagbuo ng kasunduang term-sharing agreement nina Cayetano at Velasco. Napakadali niyang tuldukan ang gulo ng dalawa kung nakialam na siya kaagad. Obligahin niya si Cayetanong tumupad sa kasunduan at kapag nagmatigas ito dahil ang katwiran nito ay nasa likod niya ang mayorya ng Kamara, siya na mismo ang kumausap sa mga mambabatas. Hindi na isyu ang separation of powers dahil nilabag na niya ito nang pagkasunduin niya sina Cayetano at Velasco na maghati sa termino ng speakership. Pero, bakit nag-atubili ang Pangulo na ipasunod ang term-sharing agreement? Nangangamba ba siya na maaapektuhan ang pagpasa ng budget kapag nagpalitan na ng liderato sa Kamara? Ang problema iyong kanyang pagaatubili ay sinamantala ni Cayetano para sa pansarili niyang layuning manatili sa puwesto. Ang mga mane-obrang ginawa nito para magkaroon ng kaganapan ang kanyang layunin ay nakapagantala sa budget at idinaan pa niya sa short cut para maapura ito.
Higit akong naniniwala na naayos na ng Pangulo ang sigalot sa speakership at ang paglabas niya at pagbigay ng babala ay pagpapakitang-gilas lang na siya ay nasa ibabaw ng kaguluhan kahit labas ito sa kanyang kapangyarihan. Ang aabangan na lang ng mamamayan, kung si Cayetano ang napaatras niya, ay ang paghahayag nito hinggil sa mga nalaman niyang hindi maganda sa Panguo at sa kanyang administrasyon. Pangkaraniwan na niyang ginagawa ito lalo na ngayong ordinaryo na siyang mambabatas.
-Ric Valmonte