NASA 2.4 milyong bata sa Pilipinas ang nanganganib na magkaroon ng tigdas (measles), ayon sa Department of Health (DoH).
“Kapag tiningnan po natin iyong ating datos, ang nakalagay po sa amin 2.4 million na mga bata na nagkukulang o vulnerable sila ngayon para magkaroon ng tigdas. So iyan po iyong target natin ngayon sa buong bansa,” pahayag ni DoH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa briefing nitong Sabado na umere sa state-run PTV4.
Ayon kay Vergeire tumataas ang bilang ng mga batang nanganganib na madapuan ng tigdas kaya naman hinihikayat niya ang mga magulang na may mga anak na wala pang isang taon na pabakunahan.
Sa kasalukuyan, bumaba sa less than 50 percent ang napagtagumpayan ng DoH para sa pagbabakuna ng mga bata sa bansa.
Maglulunsad na rin ang DoH ng supplemental immunization activities sa Oktubre 26 na magpapatuloy hanggang sa susunod na taon, kung saan tutulong ang ahensiya sa mga lokal na pamahalaan para makapag-house-to-house upang masiguro na marating ang mga bata at mabakunahan ang mga ito.
Dagdag pa ni Vergeire malaki ang epekto ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic sa mababang bilang ng immunization sa mga bata dahil marami ang hindi nadadala sa mga clinic o mga health centers.
Bukod sa COVID-19, may ilang magulang din na hindi pinapayagan ang mga anak na mabakunahan.
Maaari itong magdulot ng measles outbreak sa 2021, ani Vergeire.
“Ito pong tigdas na ito nakakamatay siya ‘no. Iyong kumplikasyon ng measles ay nakakamatay, maaring magkapulmonya ang bata, maaring magkaroon ng walang patid na pagtatae, maaari din pong magkaroon ng mga ear infections ‘no. Kaya kapag ganito po, atin pong pinapaalalahanan ang mga nanay dahil maari pong magkaroon ng ganitong kumplikasyon at maaring mag-lead sa pagkamatay ng mga bata’ paliwanag pa ng opisyal.
Ayon kay Vergeire, may dalawang bakuna na ibinibigay ang DoH. Ang una ay para sa 9-months at ang ikalawa ay ibinibigay sa 12-months at kasama na rito ang bakuna para sa mumps at rubella.
Siniguro rin niya sa mga magulang na ligtas at napatunayan na ang bisa ng bakuna na ibinibigay ng DoH at ilang dekada na rin itong ginagamit ng ahensiya.
“Wala po sila kailangang ipag-alala para sa kanilang mga anak. Ito po ay ligtas, ito po ay libre at ito po ay binibigay ng ating gobyerno para maprotektahan natin ang kanilang mga anak,” pagsisiguro ni Vergeire.
PNA