MAKIKITA ngayon sa Bonifacio Shrine sa tabi ng Manila City Hall ang isang bahagi ng konkretong pader na may sukat na 3.65 metro at 1.2 metro at tumitimbang ng 2.8 tonelada. Bahagi ito ng lumang Berlin Wall na ibinigay ng pamahalaan ng Germany sa Pilipinas noong 2014, inilagak sa Pambansang Museo at ngayon ay inilipat sa Bonifacio Shrine, kung saan ito pinasinayaan nitong Lunes, Oktubre 5, sa pangunguna nina Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at German Ambassador Anke Reiffenstuel.
Ang pirasong konkretong ito ay bahagi ng Berlin Wall na dating naghihiwalay sa East Berlin na kontrolado ng Soviet mula sa West Berlin, na bahagi ng West Germany ngunit matatagpuan sa gitna ng Communist East Germany matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa loob ng maraming taon, maraming German na naninirahan sa East Berlin ang naghahangad na makatawid sa border upang makalaya sa West, ngunit hinaharang sila ng mga bordee guards sa Wall. Noong una, dumadaan ang mga refuges sa Hungary at Czechoslovakia ngunit sa pagtaas ng mga bilang ng refugees, niluwagan ng mga opisyal ng East German ang restriksyon sa paglalakbay. Noong Nobyembre, 1989, pinahintulutan na ang mga refugees na makalabas sa crossing point sa pagitan ng East at West Germany at sa pagitan ng East at West Berlin.
Noong Hunyo 1990, opisyal na sinimulan ng East German border troops ang paggiba sa Berlin Wall, na nagpatuloy hanggang Disyembre na kalaunan ay sinamahan na ng ibang mga tao mula sa east at west. Maging mga banyagang bisita, kabilang ang ilang mula sa Pilipinas, ang nakiisa sa paggiba ng pader at kumuha ng souvenirs.
Giniba ng sistematikong demolisyon ang 184 kilometrong pader, 154 kilometrong border fence, 144 kilometrong signal systems, at 87 kilometrong barrier ditches. Ang pagbagsak ng Wall noong Nobyembre 9, 1989, ang unang kritikal na hakbang tungo sa muling pagsasama ng Germany na nagtapos makalipas ang halos isang taon, noong Oktubre 3, 1990.
Sa mga sumunod na taon, nagpadala ang pamahalaan ng Germany ng piraso ng pader sa iba’t ibang bansa bilang palatandaan ng mabuting pakikisama. Noong 2014, sa ika-25 anibersaryo ng paggiba ng pader, ipinadala ng pamahalaan ng Germany sa atin ang Fragment 22 ng 40 section ng lumang pader. Ito ang pader na opisyal na inilagak at pinasinayaan nitong Lunes nina Mayor Domagoso at German Ambassador Reiffenstuel.
Isa itong tanda ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Germany. Isa rin itong simbolo ng pagkakaisa bilang bahagi ng isang pader na dating naghihiwalay sa Germany. Isa pang bansa—ang Vietnam—ang muli rin nakamit ang pagsasama matapos ang ilang taon ng pagkakahati, tanging Korea na lamang ang natitirang nahahati na bansa ngayon.
Sa Bonifacio Shrine kung saan ito ngayon naka-display para sa publiko, ang bahaging ito ng lumang Berlin Wall ay dapat na maging simbolo ng pagkakaisa sa sarili nating bansa. Maaaring nahahati tayo sa 7,641 na mga isla, kasama ng maraming pangkat-etniko at paniniwala, suportado ng mga naglalaban-labang lokal na partido sa politika, at magkakatunggaling alyansa sa mundo, ngunit isang bansa tayo ng Pilipino at dapat nating panatilihin ito.