LAKE BUENA VISTA, Fla. (AP) — Habol hininga si Jimmy Butler habang nakasalampak sa ilalim ng video board sa baseline sa pagtatapos ng laro. Pagal ang katawan, ngunit may ngiti sa kanyang mga labi.

Itinodo na ni Butler ang nalalabing lakas sa krusyal na sandali para sa Miami Heat.

Hindi pa tapos ang serye at ang pangarap ni Butler na makamit ang kauna-unahang NBA title at sa prangkisa ng Miami ay kumibot pa matapos makatuka ang dehadong Heqat laban sa Los Angeles Lakers, 111-108, sa Game 5 ng best-of-seven title series nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Hataw si Butler sa naiskor na 35 puntos, 12 rebounds at 11 assists para sandigan ang Heat sa panalo at tapyasin ang bentahe ng Lakers sa 2-3.

“That’s Jimmy Butler,” pahayag ni Heat center Bam Adebayo. “That’s our max player and that’s who we go to in these moments.”

Hidilyn Diaz, nagsimula nang magturo ng weightlifting sa UP

Tunay na kahanga-hanga si Butler. Maging sa sitwasyon na nasa kondisyon ang laro ni LeBron James — naghahangad ng kanyang ika-apat na titulo at kauna-unahan sa Lakers matapos ang isang dekada.

Nagsalansan si James ng 40 puntos, 13 rebounds at pitong assists para sa Lakers. Ngunit, sa krusyal na sandali, nagawang mapigilan ng Heat ang pagiskor ni James at napilitang ipasa ang bola kay Danny Green na sumablay sa kanyang tira.

Naprotektahan ng Heat ang isang puntos na bentahe tungo sa panalo.

“It was a little bit of luck that Danny Green missed that shot at the top of the key,” sambit ni Butler.

Nakatakda ang Game 6 sa Linggo (Lunes sa Manila).

Nag-ambag si Duncan Robinson sa Miami na may 26 puntos, habang tumipa sina Kendrick Nunn ng 14 puntos, Bam Adebayo (13), Tyler Herro (12) at Jae Crowder (11).

Kumubra naman si Anthony Davis ng 28 puntos sa Lakers.